Dahil nakataya ang karangalan ng sambayanan, hindi na oobligahin ng liderato ng Kamara ang world boxing icon na si Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao na dumalo sa mga plenary session upang matutukan niya ang training bilang paghahanda sa kanyang laban sa American boxing champion na si Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2, na tinaguriang “fight of the century.”
“The House leadership will excuse him from attending the plenary sessions to focus on his training. The national prestige is at stake,” pahayag ni Belmonte sa panayam.
Magtutungo ang House speaker sa Las Vegas upang personal na mapanood ang Pacman-Mayweather fight sa MGM Grand sa Mayo 2, bilang pagpapadama ng suporta ng Mababang Kapulungan sa kanilang kabaro.
Matatandaan na ilang mambabatas ang nanawagan sa pagbibitiw ni Pacquiao bilang kongresista dahil isa siya sa may pinakamaraming pagliban sa Kamara dahil abala siya, hindi lang sa pagiging boksingero, kundi maging sa paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA), paggawa ng pelikula at product endorsements.
Maging sina Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Negros Occidental Rep. Albee Benitez ay nanawagan sa publiko na huwag masamain ang pagliban ni Pacquiao sa mga sesyon ng Kamara dahil nagdadala naman ang huli ng karangalan sa bansa.
“I would like to appeal to the public to understand the situation of manny Pacquiao as he embarks on a extensive training for his historic fight against Mayweather. His absence in Congress should not be taken negatively as he will be carrying the name and honor of our country,” anang dalawang mambabatas.
“Congressman Pacquiao is a consistent honor giver. He gives hope and inspired many to work hard,” ayon kay Benitez.