TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P1.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Tuguegarao City, Cagayan at Tabuk City, Kalinga, at pitong hinihinalang kilabot na drug pusher ang naaresto nitong Sabado.

Kinilala ni PDEA Region 2 Director Juvenal Azurin ang isa sa mga nadakip na umano’y kilabot na drug pusher sa Barangay Bagumbayan, Tuguegarao City na si Jonathan Tamayao, ng nasabing barangay.

Nasa target list ng PDEA, napaulat na nakuha mula kay Tamayao ang 14 na plastic sachet na may hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P240,000.

Samantala, iniulat ni Tabuk City Police chief Supt. Francisco Bulwayan na nasa mahigit 500 gramo ng high-grade shabu ang nasamsam mula sa bahay ni Bong Addawi, alyas Bongtay, sa pagsalakay sa Bgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sinabi ni Bulwayan na inaresto rin ang limang kasama ni Addawi na sina Jeffrey Danipog, Peter Bam, Luis Appag, Ricky Bayog at Jefferson Sal-ao, pawang taga-Tabuk City.

Umaabot sa mahigit P1 milyon ang kabuuang halaga ng nasamsam na shabu sa magkahiwalay na raid, ayon sa panuntunan ng Dangerous Drug Board (DDB).