STA. ROSA, Laguna– Humagibis sa limang katao sa sprint si George Oconer ng Team PSC-PhilCycling sa pagsisimula kahapon ng National Finals ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC.
Inialay ni Oconer ang kanyang pagwawagi sa Stage One sa mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) o ang tinaguriang Fallen 44 kung saan ay nagsimula at nagtapos ang hatawan sa Sta. Rosa, Laguna.
Nakuhang lampasan ng 23-anyos na si Oconer ang nakasabayan sa lead group na sina 2011 Ronda champion Santi Barnachea, Rudy Roque, Cris Joven at ang kakampi sa pambansang koponan na si Rustom Lim tungo sa pagsuot ng simbolikong LBC red jersey. Naitala nito ang 1 oras, 13 minuto at 15 segundo.
Pumangalawa sa hatawan si Roque, pumangatlo si Joven, ikaapat si Lim at ikalima si Barnachea sa kahalintulad ding oras sa karera na suportado ng major sponsor na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at maging ang mga minor sponsor na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX kung saan ang padyakan ay may basbas ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino. Ang TV5 at Sports Radio ang tumatayong media partners sa labanan.
“Hinintay ko po muna kung sino ang unang aangat,” sinabi ni Oconer, na anak ng national coach at premyadong dating track cyclist at Olympian na si Norberto.
Si Oconer ay kagagaling lamang sa paglahok sa Asian Cycling Championships sa Nakhon Ratchasima, Thailand na siyang qualifying stage sa 2016 Rio de Janiero Olympics.
“Masyadong malakas ang hangin kaya nang makabreak-away kami ay itinuloy na namin. Medyo matagal pa po ang labanan kaya didepensa na lang muna at bantay-bantay sa mga beterano,” giit pa ni Oconer na 3rd overall noong 2011 habang 4th overall sa Intenational at 3rd sa All-Filipino noong 2014.
Isang taimtim na panalangin ang isinagawa ng Ronda Pilipinas bago ang opisyal na pagsisimula ng kampeonato upang ialay ang karera sa mga miyembro ng PNP–SAF na nasawi sa isinagawang operasyon sa Mamasapano sa Maguindano.
Ang panalo ay ang pangkalahatang ikatlong stage lap ni Oconer kung saan ay inaasahang tutulungan siya ng mga kasamahan sa pambansang koponan, naghahanda para sa paglahok sa gaganaping 28th Southeast Asian Games, upang masungkit ang korona at ang nakatayang premyo na P1-milyon.
Tumapos naman sa Top 10 sina John Paul Morales (6th), Rey Nelson Martin (7th), Marvin Tapic (8th), Arjay Peralta (9th) at ang Spaniard na si Edgar Nieto (10th) na pawang nagsumite ng oras na 1:15:39.
Dahil sa panalo ay nakamit ni Oconer ang premyong P25,000, maliban pa sa pagsuot nito ng red jersey at tanghaling overall leader (1:13:05). Pumangalawa si Joven na nakakuha ng bonus sa sprint para sa oras na 1:13:07 habang ikatlo si Roque na may 1:13:09 oras.
Tinanghal namang Stage Best Junior at overall leader si Jay Lampawog ng 7-11 sa oras na 1:16:52, pumangalawa si Daniel Ven Carino (1:16:52) at ikatlo si Edalson Ellorem (1:28:33).
Ang Stage Best Young rider ay si Rustom Lim (1:13:15) habang ikalawa si Arjay Peralta (1:15:39) at ikatlo si Angel de Julian Vazquez ng Spain (1:16:52). Isinuot ni Lim ang puting Standard Insurance jersey.
Aarangkada naman ang Stage Two sa ganap na ala-1:00 ng hapon kung saan ay babagtas ang mga siklista sa 146.8 kilometrong lakbayin na magmumula sa Calamba City patungo sa Quezon National Forest Park sa Atimonan, Quezon. Ang mga rider ay tatahak din sa kinatatakutang liku-liko at matatalas na kurbada sa tinaguriang Tatlong Eme (3 Ems).
Binubuo naman ng 11 koponan na may siyam na riders ang karera kung saan ay kabilang ang binuong Under 19 na ipiprisinta ang bansa sa darating na 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.
Sinabi ni Ronda Race Director Ric Rodriguez na ang mga koponan ay binubuo ng Cycle Line Butuan, 7-11 ByRoad Bike Philippines, Philippine Navy Standard Insurance, PSC-Philcycling, Philippine Army, Cebu-V Mobile, Team Negros, Northern Luzon, N-C-R, Mindanao at ang composite team ng mga dayuhang siklista.
Kabuuang 99 riders ang nakuhang makuwalipika sa Visayas at Luzon qualifying leg na makakasama ang mga miyembro ng seeded na national team.
“We are looking at an all-around rider, who can well traverse the flat terrain, the combination of long and moderate climbs, plus the two criterium and one time trial will rule this year’s Ronda,” pahayag ni Rodriguez.