Mas dadagdagan ang mga itinuturong sports sa family-oriented grassroots development program na Laro’t-Saya sa Parke, PLAY N’ LEARN ng Philippine Sports Commission (PSC) sa iba’t ibang lugar sa bansa bago ang pagbabakasyon ng mga estudyante sa mga eskuwelahan.
Sinabi ni PSC Research and Development chief Lauro Domingo Jr. na asam ni PSC Chairman Richie Garcia na madagdagan ang isinasagawang sports program na inendorso ng Palasyo ng Malakanyang na para sa pag-aalaga sa kalusugan ng buong miyembro ng pamilyang Pilipino.
“We are discussing the possibility of adding some more sports na gusto ng mga sumasali. Hindi ito galing sa atin but doon mismo sa mga palaging dumadalo sa ating mga ginaganap na program,” sinabi ni Domingo.
Kabuuang 11 sports ang itinuturo sa programa na kinabibilangan ng arnis, badminton, chess, taekwondo, volleyball, football, karatedo, taekwondo, 3-on-3 basketball, boxing, at zumba.
Nakatakda ring simulan ang programa sa siyudad ng Vigan, Ilocos Sur at Kalibo, Aklan sa susunod na buwan upang makasama sa mga isinasagawang aktibidad sa Kawit, Cavite; Bacolod City, San Carlos City, Parañaque City, Iloilo City, Quezon City, Tagum, Davao Del Norte; at sa orihinal na Luneta Park sa Manila City.
Samantala, umabot sa kabuuang 460 katao ang lumahok sa Kawit, Cavite sa isinagawang zumba (289), badminton (26), volleyball (104) at taekwondo (41) habang sa QC Circle ay may 355 ang lumahok sa zumba, badminton (9), chess (31), football (10), karatedo (7) at volleyball (1).
May 165 naman ang nakisaya sa Paranaque kung say ay umabot sa 65 ang zumba, arnis (80) at badminton (20).