Bibisita sa bansa si French President François Hollande at ang mahigit 100 miyembro ng kanyang delegasyon sa imbitasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Pebrero 26-27, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ito ang unang pagbisita ni Hollande sa Pilipinas kasama ang delegasyon nito na binubuo ng mga opisyal, personalidad at mamamahayag simula nang maitatag ang diplomatic relations noong 1947.

Tatalakayin nina Aquino at Hollande ang mahahalagang ugnayan ng Pilipinas at France.

Magpapalitan din ng pananaw ang dalawang lider sa mga isyung rehiyonal at pandaigdig, kabilang ang terorismo sa France sa Charlie Hebdo killing spree sa Paris, na ikinasawi ng 20 katao.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagdating ni Hollande, tutuloy siya sa Luneta Park para bigyang-pugay ang pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal na nagbigay ng inspirasyon sa prinsipyo ng French revolution noong 1789.

Ang France ang ikalawang pinakamalaking kaalyado sa kalakalan ng Pilipinas sa European Union (EU) na umaabot sa US$2.39 billion noong Oktubre 2014.

Suportado ni President Hollande ang pagtugon sa climate change at host ang France sa ika-21 pulong ng Conference of Parties (COP21) sa Paris sa Disyembre 2015, na dadaluhan ng 40,000 stakeholder.

Setyembre 2014 nang bumisita si Pangulong Aquino sa France.

Noong 1986, ang France ang unang kumilala sa gobyerno ng namayapang Pangulong Corazon Aquino sa ilalim ng panibagong Socialist President - François Mitterand.