Isang maybahay mula sa Sta. Mesa, Maynila ang nagwagi ng P15,000 sa Balita Bingo Pa-Premyo na ginanap sa Barangay 592 ng nasabing lugar noong Sabado ng hapon.
Hindi inakala ni Emma Estolas, 58, na mapapanalunan niya ang pinakamalaking premyo sa palaro.
“Tatlo lang ang Bingo cards na ginamit ko na kanina ko lang din nakuha,” wika ng ginang, na nakaugalian na ang pagbabasa ng Balita araw-araw.
Ayon kay Estolas, makatutulong nang malaki ang kanyang napanalunan sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya. Kasal siya sa isang retiradong guwardiya at mayroon silang apat na anak.
Bukod kay Estolas, nagwagi rin sa Balita Bingo Pa-Premyo sina Arnel Madayag, ng Sto. Domingo, Quezon City, na nanalo ng isang Cherry Mobile cell phone at grocery items na nagkakahalaga ng P3,400; Jeho Annalyn Mendoza, ng Sta. Mesa, nag-uwi ng Cherry Mobile tablet at isang sako ng bigas na nagkakahalaga ng P2,200; Jheng Mendoza, P2,500; Nora Katipunan, P2,000; Veronica Castillo, P1,500; at Evangeline Bontidekar, P500, pawang taga-Sta. Mesa.
Si Pio Magtangob naman, na dumayo pa mula sa Caloocan City, ay nakapag-uwi ng P1,000.
Sakay ng kanyang wheelchair kasama ang kanyang misis at limang taong gulang na anak na babae, isinara pa ni Michael Pachoco, 35, ang kanyang watch repair shop para dayuhin ang Balita Bingo Pa-Premyo sa pagbabaka-sakaling mananalo siya.
“Gusto kong makipagsapalaran palagi, opportunity na eh, hangga’t may pagkakataon, susubukan ko na makuha iyon,” sabi ni Pachoco. “Hindi mo rin masasabi eh, baka nandiyan ang tsamba.”
Bagamat hindi pinalad na magwagi sa unang beses na pagsali sa nasabing palaro, nananatiling positibo ang pananaw ni Pachoco na darating din ang panahon na makakaraos sila sa buhay.
Si Pachoco at ang asawa niyang si Catherine ay kapwa biktima ng Poliomyelitis o polio.
“Mahilig talaga akong magbasa ng tabloid. Iba pa ang binibili ko noon pero noong mabasa ko nga na mayroong pa-Bingo ang Balita, binili ko na nang binili ito,” ani Pachoco.
“Kapag may nais akong malamang balita tungkol sa basketball, iyon ang binabasa ko lalo na kapag wala akong ginagawa.”