Hindi dapat gamitin sa turismo ang panata ng pagpepenitensya ngayong panahon ng Kuwaresma – ito ang paalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs kaugnay na rin sa ilang pagpapakasakit tulad na rin ng pagpapako sa krus.

Ayon sa obispo, bagamat hindi ipinagbabawal ng Simbahan ang pagpepenitensya ay hindi naman hinihikayat ang mga indibiduwal na pahirapan ang sarili tulad ng paghahampas sa katawan at pagpapako sa krus. “Ang tunay na mensahe ng Kuwaresma ay ang pagsisisi mula sa kasalanan, pagbabago ng masamang ugali, at pagkakawanggawa. Ating nirerespeto ang pagpapanata kung ito ay may kaakibat na pagbabagong buhay hindi lamang sa loob ng isang araw kundi pangmatagalang pagbabago,” paalala ni Bishop Broderick sa ating lahat. Kung nais nating tularan si Kristo hindi ito natatapos sa pagpapasakit sa katawan at hindi dapat turismo ang dahilan kundi ang pagbabagong buhay at pagbabalik-loob sa Panginoon.

*** 

Nanawagan ang Simbahan sa mga mananampalataya na makiisa sa Alay-Kapwa na inilunsad ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona – Chairman ng  Caritas Philippines sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sinabi ni Archbishop Tirona na ang programang “Alay Kapwa” ay pakikiisa sa pagpapasakit ng Panginoon upang matubos sa kasalanan ang sangkatauhan. Ngayong kuwaresma at Year of the Poor ay tinatawagan tayong muling mag-ambag, makiisa sa mga dukha sa ating bansa sa pamamagitan ng ating pakikidalamhati. Ginugunita ngayong taon ang Year of the Poor bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021, kaya patuloy ang paghikayat ng Simbahan na mag-ambag, makiisa at tumulong sa mga dukha at mga tunay na nangangailangan sa ating bansa. Nilinaw ni Bishop Pabillo na sa panahon ng kuwaresma ay kailangang maging aktibo ang mananampalataya sa mga programa ng Simbahan upang magkaroon ng tunay na pagbabago ang kabuuan ng Santa Iglesia at magkaroon ng matibay at tapat na pananamplataya. Ang Kuwaresma sa Simbahang Katoliko ay 40-araw na paghahanda para sa Linggo ng Pagkabuhay ng ating Panginoong Jesus na nagsisimula tuwing Ash Wednesday.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente