Anumang oras ngayong linggo, bibitayin ng Indonesia ang anim sa 11 inmate na nasa death row, na nahatulan dahil sa iba’t ibang kaso, kabilang ang drug trafficking at murder. Matindi ang pagsisikap ng ating gobyerno upang sagipin ang ating kababayan, na isa sa mga drug trafficking convict.
Ang huling report sa unang bahagi ng linggong ito ay tungkol sa anim na convict na inilipat sa isang isolated na Nusakambangan island sa Cilacap, Central Java, bilang paghahanda sa pagbitay. Pinangangambahan na ang Pinay na si Mary Jane Veloso, ay isa sa anim ngunit ayon sa isang ulat na hindi naman ito kabilang. Kaya nananatiling buhay ang pag-asa na magtatagumpay ang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa pagliligtas ng kanyang buhay.
Inaresto si Veloso noong Abril 2010, sa pagtatangkang magpuslit ng 2.6 kilong heroin sa Indonesia mula Malaysia. Naiulat na kumikilos siya bilang carrier para sa isang international syndicate nang maaresto sa kanyang pagdating sa Yogyakarta Adisucipto Airport lulan ng AirAsia flight mula Kuala Lumpur. Nahatulan siyang bitayin noong Oktubre 2010.
Umaapela ang Pilipinas sa gobyerno ng Indonesia ngunit hindi pa ito nagtatagpumpay. Ayon sa mga opisyal ng Indonesia, naaalarma na ang kanilang bansa bunsod ng drug abuse, na may 4.5 milyong drug user, 1.2 dito ang sinabing hindi na malulunasan ng rehabilitasyon. Kaya, sa kabila ng malawakang pagbatikos mula sa mga banyagang human rights activist, tinututulan ni Pangulong Joko Widodo ang mga apela mula sa mga leader ng iba’t ibang bansa. Ang Brazil at Netherlands, na ang mga nasentensiyahang mamamayan ay binitay sa unang bahagi ng buwang kasalukuyan, ay ni-recall ang kani-kanilang ambasador.
Sapagkat tumatanggi ang pangulo ng Indonesia na magbigay ng executive clemency, ang pag-asa ng Pilipinas na masagip si Veloso ay nakasalalay sa isang apelang inihain para sa isang judicial review ng kanyang kaso, sa pagtatangkang pababain ang sentensiya sa kanya sa habambuhay na pagkakulong. Gayong nakatakda siyang ilipat sa Nusakambangan island – ang execution site ng Indonesia – hindi siya kasama sa anim.
Ang mga Pilipino na nasasangkot sa mga kaso ng droga ay isa sa malulungkot na aspeto ng pagkalat ng mga Pilipino. Sa buong daigdig, matatagpuan ang mga Pilipino na nagtatrabaho nang mahusay, inilalaan ang kanilang lakas at talino sa bansang kanilang pinaglilingkuran habang kumikita para sa kanilang pamilya na nasa Pilipinas. Marami sa kanila, gayunman, ang minamalas na masangkot sa international drug trade, nare-recruit bilang mga “drug mule”.
Ito ang pinakamatinding parusa ngayon at mauunawaan naman natin ang determinasyon ng Indonesia na sugpuin ang paglaganap ng droga sa mga mamamayan nito. Hindi dapat natin ihinto ang pag-asa at pagkilos upang sagipin si Veloso at dapat ding paigtingin ang ating pagsisikap laban sa droga at balaan ang ating mga kababayan na iwasan ang international drug trafficking.