LAS VEGAS– Matapos ang ilang taong pagkadismaya, maraming pagsisimula at pagtatapos, sa wakas ay naging makatotohanan na ang pinag-uusapang labanan nang mga mandirigma sa kasaysayan ng boksing.
Inanunsiyo kahapon ni Floyd Mayweather Jr. na siya’y payag nang lumaban kay Manny Pacquiao sa welterweight bout sa Mayo 2 sa MGM Grand Garden sa Las Vegas.
Ito ang bakbakan na matagal nang ipinanawagan ng publiko simula pa noong 2009 na siyang akma sa dalawang pinakamahuhusay na boksingero sa kanilang henerasyon para sa makasaysayang event.
“I am glad my decision to meet with Manny and discuss making this fight happen helped get the deal done,” saad ni Mayweather. “Giving the fans what they want to see is always my main focus. This will be the biggest event in the history of the sport. Boxing fans and sports fans around the world will witness greatness on May 2. I am the best ever, TBE, and this fight will be another opportunity to showcase my skills and do what I do best, which is win. Manny is going to try to do what 47 before him failed to do, but he won’t be successful. He will be number 48.”
Ang bakbakan ay inaasahang magtatakda ng maraming bilang ng records, kasama na ang purse size, live paid gate at pay-per-view sales.
Ang halaga ng pay-per-view ay ‘di pa nadedetermina at ‘di mangyayari hangga’t ‘di napaplantsa ang deals sa distributors.
Ihahayag sa mga susunod na araw ang pormal na mga detalye sa agreement, ngunit inaasahan na si Mayweather ay magkakaroon ng 60-40 split advantage sa revenues, kung saan si Mayweather ay tatanggap ng halos $120 million at si Pacquiao, na nilagdaan ang kontrata noong Biyernes para sa laban, ay tatanggap ng $80 million.
“Floyd should enjoy being the A-side while he can,” pahayag ni Freddie Roach, ang trainer ni Pacquiao. “Because on May 2, Manny is going to put him on his backside.”
Halos nagkaayusan ang dalawang boksingero sa mga termino ng pag-uusap noong 2009 Christmas holidays, isang buwan ang nakalipas nang pabagsakin ni Pacquiao si Miguel Cotto sa MGM Grand. Subalit sumadsad ang pag-uusap nang tanggihan nina Pacquiao at promoter Bob Arum ang hininging demand ni Mayweather para sa drug testing run ng United States Anti-Doping Agency sa kasagsagan noon ng training camp.
Nagkaroon ng maraming pagtatangka sa nakalipas na limang taon upang pag-initin ang mga pag-uusap. Noong 2011, umakto ang dating HBO Sports president na si Ross Greenburg bilang mediator sa pagitan ng adviser ni Mayweather na si Al Haymon at Arum, subalit sumablay pa rin iyon.
Noong 2012, tinawagan ni Mayweather, nasa Las Vegas ng panahon na iyon, si Pacquiao na nasa kanyang tahanan naman sa GenSan, at inalok ang huli ng garantisadong $40 million ngunit wala sa usapin ang pay-per-view. Hindi pumayag noon si Pacquiao.
Tumalon si Mayweather mula sa HBO, inilagay siya sa ilalim ng exclusive television contract sa halos kabuuan ng kanyang karera, patungo sa Showtime noong 2013, na tila nagpalabo na sa sagupaan ng dalawa.
Sumabak si Mayweather sa apat sa anim na sagupaan sa kanyang record-breaking Showtime contract at ‘di nagkaroon ng kalaban na dapat sana’y magbibigay kasiyahan sa publiko kung si Pacquiao ang makahaharap.
Nanatili si Pacquiao sa ilalim ng exclusive television deal sa HBO, na nagkaroon naman ng kumplikasyon na tangkaing paglabanin ang dalawaso. Tanging isang beses nang magtagpo noong 2002 sina Lennox Lewis (HBO) at Mike Tyson (Showtime), na ang dalawang premium cable giants ay nagsama para sa pinag-isang pay-per-view.
Ang nakaraang pag-uusap ay nagsimula noong Nobyembre at ito ay pinasimulan ni CBS Corp. CEO Leslie Moonves, ang longtime acquaintance ni Arum. Napagsama ni Roach ang dalawa sa naging pakikipag-usap nito sa kaibigan na nagmamay-ari ng Southern California pizza restaurant.
Sumama sina Moonves at Arum sa pakikipag-usap kay HBO CEO Richard Plepler. At kahit na maraming false alarms ang nangyari, halos naisakatuparan naman nila na maplantsa ang deal.
Sinabi ni Arum sa Yahoo Sports noong Enero 13 na pumayag si Pacquiao sa terms para sa sagupaan at si Mayweather na lamang ang hinintay upang pumayag.
At dahil si Mayweather, ang pound-for-pound king at ang sport’s biggest pay-per-view attraction, ang may karapatang diktahan ang usapin, umugong na naman ang mga bali-balita na magiging urong-sulong na naman ang Amerikanong boksingero. Ilang beses na inihayag ni Mayweather sa social media na wala pang nangyayaring deal.
Nagkausap ng harapan unang pagkakataon sina Mayweather at Pacquiao sa kasagsagan ng negosasyon noong Enero 27 sa American Airlines Arena sa Miami sa naging laro noon ng Heat at Milwaukee Bucks. Si Pacquiao ay nagsilbing hurado sa Miss Universe pageant sa Miami may dalawang gabi ang nakalipas at dahil sa napakasamang panahon sa East Coast, kinansela ang kanyang flight sa Los Angeles.
Ang naging resulta, nagtungo na lamang siya sa Heat at panoorin ang laro ng kanyang kaibigan na si Miami coach Erik Spoelstra. Dumalo rin si Mayweather, may tahanan sa Miami, at nang umugong na kapwa sila nasa arena ay agad na nagtungo si Mayweather kay Pacquiao pagkatapos ng halftime kung saan ay nagkapalitan sila sa pagbibigay ng kanilang cellphone number. Ang sumunod na yugto, makaraan ang nasabing laro ng Heat at Bucks, nagpunta naman si Mayweather sa hotel room ni Pacquiao at doon ay nagkaroon sila ng mga diskusyon.
Doon na nagsimula ang tensyonadong espekulasyon na may mangyayaring announcement, ngunit inabot pa rin ito ng ilang linggo bago naisakatuparan ang deal.
Sinabi ni Roach sa Yahoo Sports na noon pang Enero niya pinag-aaralan ang bawat mga kilos ni Mayweather nang panoorin niya ito sa film kung saan ay umusbong na ang kanyang plano.
“It’s a huge challenge for Manny, no question, but I think it’s a fight that he can win,” pagmamalaki ni Roach sa Yahoo Sports.
Ang mga intriga sa sagupaan ay ‘di patungkol sa dalawang boksingero nang dahil sa sila ang kinikilalang pound-for-pound fighters sa mundo kungdi ay tinitingala rin ang kanilang mga estilo ay kakaibang mga ikinikilos pagdating sa ring.
Si Mayweather ay isang brilliant tactician at isa sa pinakamahusay na defensive fighters sa kasaysayan ng sport. Siya’y mayroong ‘innate sense’ pagdating sa timing at nasisilip nito ang mga paparating na mga suntok na ‘di kayang gawin ng iba.
Si Pacquiao, isang left-hander, ay isang powerhouse offensive fighter na taglay ang bilis upang makipagsabayan kay Mayweather.
“I am very happy that Floyd Mayweather and I can give the fans the fight they have wanted for so many years,” masayang sinabi ni Pacquiao. “They have waited long enough and they deserve it. It is an honor to be part of this historic event. I dedicate this fight to all the fans who willed this fight to happen and, as always, to bring glory to the Philippines and my fellow Filipinos around the world.”
Sinabi naman ng dating world champion na si Timothy Bradley, na taglay ang 1-1 sa dalawang laban sa Filipino congressman at cultural icon, sa Yahoo Sports noong nakaraang taon na si Pacquiao ay isang ‘extraordinarily hard puncher’.
“He hits hard, man,” pahayag ni Bradley. “It’s a whole different level. You feel it when he hits you.”