GENERAL SANTOS CITY – Nagharap ng reklamo sa International Monitoring Team (IMT) ang mga lokal na opisyal at ilang mula sa militar laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagsagawa ng mass assembly sa unang bahagi ng linggong ito sa ilang lugar sa South Cotabato.

Sinabi ni South Cotabato Gov. Daisy Avance-Fuentes na nilabag ng MILF ang ceasefire agreement nang magsagawa ito ng serye ng assembly meeting sa mga lugar na kontrolado ng MILF sa Barangay Koronadal Proper sa Polomolok at sa Bgy. Lampari sa Banga.

Ayon kay Fuentes, idinulog na niya ang usapin sa IMT na binubuo ng mga dayuhang observer na nagpapatupad ng mga mekanismo sa ceasefire sa pagitan ng gobyerno at ng MILF.

Sinabi ni Lt. Col. Jess Ronald Alcudia, commander ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army, na may 80 miyembro ng MILF mula sa 107TH Base Command, sa ilalim ni Harris Uttoh Mastura, ang napaulat na nagsagawa ng mga consultation meeting kaugnay ng updates sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, bagamat hindi armado ang mga kasapi ng MILF nang magsagawa ng pulong, ang presensiya ng mga ito sa lugar ay nagdulot ng pangamba sa mga residente at mga lokal na opisyal.

Sinabi ni Alcudia na nakipag-ugnayan na siya sa Local Monitoring Team ng Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities upang kastiguhin ang lokal na MILF command na nagsagawa ng mga pulong nang walang koordinasyon mula sa mga lokal na awtoridad.

Inatasan din niya ang tropa ng Army sa Polomolok at Banga na magpatupad ng heightened alert kasunod ng mga ulat na ilang armadong kasapi ng MILF ang namataan sa lugar.