Hindi mababato ang mga manonood ngayong Linggo, Pebrero 22, dahil ang Reel Time, aakyat ng bundok at tatawid sa mga ilog makahanap lang ng kakaibang batong kung tawagin ay suiseki. 

Hindi mga ordinaryong bato ang suiseki.  Ito ay mga batong hinubog ng kalikasan sa matagal na panahon na may kakaibang hugis at kulay. Ang bawat suiseki ay may kahulugan o ekspreyon na nakadepende sa interpretasyon ng nakakakita rito. Hindi maaaring tapyasin, kulayan o baguhin mula sa orihinal na itsura nito ang mga suiseki. 

Kikilalanin din ng Reel Time si Mang Terri na itinuturing na isa sa pinakamahusay na suiseki hunter sa Pilipinas.  Alam na alam daw kasi niya kung ano ang mga primera klaseng bato.  Bulag na ang isang mata ni Mang Terri pero hindi ito hadlang para huminto siya sa paghahanap ng suiseki.

 

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kahit mahirap at delikado, sinusuyod niya ang mga kabundukan at mga ilog para hanapin ang pinakamagagandang suiseki.  Sa pag-aalok kasi ng mga batong ito sa mga kolektor umaasa si Mang Terri para makadagdag sa kita para sa pamilya.  Ang bawat bato ay naibebenta niya mula Php 200.00 hanggang P500.00. 

Sa bansang China  at Japan nagmula ang sining ng suiseki kaya naman mas mahal din ang presyo ng mga bato sa mga bansang ito. Mula P5,000.00 hanggang P20,000.00 ang presyo ng suiseki sa kanila. Minsan, kung mas maganda ang kalidad, mas mataas ang presyo ng suiseki. 

Para naman sa suiseki collectors tulad nina Tonet Gedang at Erwin Fabros, umaasa silang mapapaunlad pa ang sining ng suiseki sa bansa at di kalaunan, tataas pa ang halaga nito.

Tunghayan ang hirap ng paghahanap ng mga suiseki sa Reel Time ngayong Linggo, 8 PM, sa GMA News TV.