Magsasampa ng petition for bail ang kampo ni dating Masbate congresswoman at ngayo’y Governor Rizalina Seachon-Lanete sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa pork barrel fund scam.
Ayon sa legal counsel ni Lanete na si Atty. Laurence Arroyo, ihahain nila sa Fourth Division ng anti-graft court ang nasabing mosyon sa hangarin na pansamantalang makalaya sa kulungan ang kanyang kliyente.
“We will be filing a petition for bail soon and if the evidence of guilt is not strong, then siguro in the next several months, who knows, baka the court will grant our petition for bail,” anang abogado.
Inamin din ni Arroyo na “emosyonal ngayon ang aking kliyente mula nang sumuko sa pulisya kamakailan at nang iharap din ito sa hukuman noong Biyernes”.
“This comes as an emotional blow to her, but she is willing to face the charges and vindicate her name as well as the name of her family,” paglilinaw nito.
Itinanggi rin ng abogado ang akusasyon laban kay Lanete at sinabing hindi ito tumanggap ng kahit sentimo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ‘pork’ scam.
Nakakulong ngayon si Lanete sa female dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), sa utos nina 4th Division Chairman Associate Justice Jose Hernandez, Associate Justices Alex Quiroz at Oscar Herrera Jr.