WALONG entries ng GMA Network ang hinirang na finalists sa 2015 New York Festivals World’s Best TV and Films competition. Ito na ang pinakamaraming bilang ng finalists mula sa local TV networks ngayong taon. 

Nangunguna ang weekend news magazine program na Kapuso Mo, Jessica Soho na shortlisted sa Human Interest catergory para sa episode nitong “From Saudi with Love.” Isang kuwento ng taos-pusong pasasalamat na nagawang tawirin ang distansya, relihiyon, at kultura, tampok dito ang Saudi journalist na si Rawan Radwan at ang kanyang paghahanap sa kaniyang dating Pinay na yaya/kasambahay.

Susundan naman ito ng “Burak at Pangarap” episode ng Reporter’s Notebook na finalist para sa Community Portraits category. Inilalahad nito ang kwento ng dose anyos na si Junjun, isa sa 78,000 musmos sa Kamaynilaan na humaharap sa matinding kakulangan ng tahanan. Kabilang si Junjun sa mga nawalan ng tirahan matapos masunog ang kanilang bahay kasama na ang ilang daan pa sa Malabon City.

Kabilang din sa mga finalist sa Best Public Affairs Program category ang Front Row para sa episode nitong tumalakay sa neurodegenerative disease na Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS). Pinamagatang “ALS,” ipinakita nito ang tunay na kwento ng mga pasyente at ng kanilang pamilya bukod pa sa naging viral na Ice Bucket Challenge.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Finalist din ang premiere episode na “Teresa” ng kauna-unahang historical mini-serye ng GMA Network, ang Katipunan, sa Best Camerawork category. Sumentro ang Katipunan sa tunay na Andres Bonifacio at sa mga lalake at babaeng nagpasimula ng himagsikan. 

Nominado naman sa Biography/Profiles category ang weekend documentary program ng GMA News TV na Reel Time partikular and episode nitong “Dungkoy” na tungkol sa isang sampung taong-gulang na batang lalake mula sa Calauan, Laguna na matapos abandonahin ng mga magulang ay siyang pumasan ng responsibilidad  na mag-aruga sa lumpong lola.

Ang “Karapatan ng Bata” episode ng travel documentary program na Motorcycle Diaries ay finalist naman sa Human Concerns category. Ipinakita rito kung paanong pinagkakaitan ng kahirapan ang di mabilang na mga batang Pilipino ng kanilang karapatan mula mismo sa paglalahad ng mga kapos-palad na musmos sa bansa. 

Ang isa sa winning entries sa kauna-unahang Cine Totoo Philippine Documentary Festival ng GMA News TV na “Walang Rape sa Bontok” ay finalist sa Film/Documentaries category. Gawa ng dokumentaristang si Carla Samantha Ocampo, tungkol ito sa dalawang Filipina na kapwa biktima ng pang-aabusong sekswal at kapwa rin naghahangad ng isang mundo kung saan malayang mabubuhay ang mga kababaihan nang hindi inaabuso.

Pasok din ang GMA News TV staton ID na “May Pag-asa” sa finalists para sa Station/Image Production category. Isa itong koleksyon ng mga kuwento ng pag-asa na layong ipamalas ang kakayanan ng mga tao na bumangon sa kabila ng pagkadapa.   

Lahat ng finalists ay daraan pa sa ikalawang round of judging ng mga premyadong industry experts mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga mananalo ay ipakikilala sa 2015 Television and Film Awards Ceremony sa darating na April 14 sa Las Vegas.