Sintensiyahan ng Sandiganbayan ng pagkakakulong ng 12 taon ang isang dating mayor ng San Miguel, Bulacan matapos kasuhan ng graft dahil sa pangongotong ng P1,000 sa kada delivery truck na dumaraan sa kanilang munisipalidad.

Ideneklara ng Sandiganbayan Fifth Division na guilty si dating Mayor Edmundo Jose Buencamino ng San Miguel, Bulacan sa two counts ng paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

“The accused imposed and collected payment for pass way fee knowing fully well that he is without authority of law, decree, ordinance or resolution to do so,” nakasaad sa 26-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Napolean Inoturan at kinatigan ni Chairman Rolando Jurado at Associate Justice Alexander Gesmundo.

Dahil dito, pinatawan ng anti-graft court si Buencamino ng anim na taon hanggang walong taon na pagkakakulong sa bawat kaso ng katiwalian.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pinagbawalan din ng Sandiganbayan si Buencamino na humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.

Una nang kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Buencamino ng ilegal na pangongolekta ng passing way fee sa halagang P1,000 sa kada delivery truck na dumaraan sa San Miguel.

Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng Sangguniang Panlalawigan na ilegal ang pangongolekta ni Buencamino ng passing way fee.

Ang isa pang graft case laban kay Buencamino ay nag-ugat sa pagkakakumpiska nito ng dalawang truck ng Rosemoor Mining and Development Corporation dahil hindi pagbayad sa passing way fee.