Pinabulaanan kahapon ng Malacañang ang mga ulat na nagbayad ang gobyerno sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para ibalik nito ang mga armas ng mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon sa mga report, sinabi ni Fr. Eliseo Mercado, dating presidente ng Notre Dame University sa Cotabato City, na binayaran ng gobyerno ang MILF para ibalik ng mga ito ang armas ng mga nasawing SAF commando.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na dismayado ang gobyerno sa pahayag ni Mercado, at idinagdag na walang basehan ang nasabing alegasyon ng pari.
“OPAPP is very disappointed at the allegations that have been made by Fr. Eliseo Mercado that the government purchased the weapons to make it appear that the MILF was returning it to government,” ani Valte.
“We do not have any information on the basis for. Fr. Mercado for saying those statements,” aniya.
Hinimok din ni Valte ang publiko na huwag nang palalain ang usapin.
“The fact is naibalik and it’s a manifestation of their continued interest to be our partners in the peace process,” sabi ni Valte.
Iprinisinta nitong Miyerkules ng MILF peace panel ang mga armas ng mga miyembro ng SAF na ibinalik sa peace panel ng gobyerno sa turnover ceremony sa Camp Siongco, Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang pagbabalik sa mga armas ay isinagawa alinsunod sa GPH-MILF ceasefire mechanisms.
Kaugnay nito, sinabi ni Valte na magpapatuloy ang gobyerno sa paghahanap ng paraan upang mabawi ang iba pang armas ng SAF na nasa pag-iingat ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Napaulat na nais ng BIFF ang isang “rematch” sa puwersa ng gobyerno bago nila ibalik ang nasabing mga armas.
“When it comes to the call of the BIFF, sa pagbabalik ng mga armas, kung ayaw nilang gawin, makakahanap tayo ng ibang paraan,” ani Valte.
Samantala, sinabi rin ni Valte na wala pang opisyal na komunikasyon ang plano ng Senado na padalhan si Pangulong Benigno S. Aquino III ng mga written question kaugnay ng imbestigasyon ng mataas na kapulungan sa engkuwentro sa Mamasapano.