Tinagurian bilang “Day of Rage,” maglulunsad ng nationwide walk out mula sa kani-kanilang paaralan ang mahigit sa 100 grupo ng mga estudyante upang igiit na magbitiw sa puwesto si Pangulong Aquino dahil sa palpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao.

Pangungunahan ng alyansang “Youth Act Now,” magmamartsa ang mga estudyante sa Mendiola, Manila sa Biyernes, Pebrero 27, upang ipanawagan ang pagbibitiw ni PNoy sa Malacañang.

Kabilang sa mga grupong makikibahagi sa kilos-protesta ay ang National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), University of the Philippines (UP) System Student Regent at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Naghayag din ng suporta sa “PNoy, Resign Now” ay ang mga student council ng University of Sto. Tomas (UST), University of the East (UE), San Beda College at Philippine Normal University.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Unang naglabas ng unity statement ang alyansa ng mga grupo ng mag-aaral na ang serye ng kilos protesta ay patunay na wala nang tiwala ang sambayanan sa kakayahan ni Pangulong Aquino na pamunuan ang bansa bunsod ng naganap na Mamasapano carnage kung saan 44 police commando ang napatay.

Sinabi ni Anakbayan National Chairman Vencer Crisostomo, dapat hindi tigilan ng mga estudyante ang mga demonstrasyon upang hindi maitago ng Malacañang ang katotohanan sa likod ng naganap na brutal na pagpaslang sa mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force.

Sa Pebrero 25, kasabay ng anibersaryo EDSA People Power Revolution, bubuo rin ang mga estudyante ng human chain sa EDSA bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa laban sa kapalpakan ng administrasyong Aquino sa pagtugon sa sari-saring problema na kinahaharap ng bansa.