STA. ROSA, Laguna- Inaasahang agad na magkakabalyahan ang 120 siklistang mag-aagawan sa simbolikong red jersey (overall individual leadership) sa pagsikad ngayong umaga ng championship round ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC dito.
Agad masusubok ang kakayahan ng mga nakuwalipika sa pinakamayaman at pinakamalaking karera sa bansa sa unang araw pa lamang ng labanan kung saan ay dalawang yugto agad ang kanilang kakaharapin sa kabuuang anim na araw ngunit may walong Stage na karera.
Magbabakbakan ang mga siklista sa Stage One na tatahak sa 60km na Criterium na agad dedetermina kung sino ang magsusuot ng overall individual classification (Red LBC jersey), ang Best Young Rider (White Standard Insurance jersey), ang King of the Mountain champion (White Mitsubishi Polka Dot jersey) at ang Intermediate Sprint champion (Blue Petron jersey).
Sa unang pagkakataon, sa nakalipas na apat na pagsasagawa ng karera, ay babagtas ang mga siklista sa Paseo, Greenfield sa Sta. Rosa, Laguna patungong Calamba sa harap mismo ng bahay ng pambansang bayani na si Jose Rizal bago tumahak sa matarik na Quezon Mountain Park sa Atimonan, Quezon o mas kilala bilang “Tatlong Eme (Three Ms) o (Bitukang Mano (Chicken Instestine)” sa loob ng isang araw.
Matapos ang 60-kilometrong Stage One Criterium Race sa Paseo, agad namang tatahakin ng entourage ang 120.5-km Stage Two patungo sa Calamba, Laguna. Magtatapos sa kinatatakutang akyatin sa Atimonan na kilala sa paliku-liko at matatalas na kurbada ang Stage Three sa Pebrero 22.
Babagtasin din ng Ronda ang Malolos, Bulacan sa unang pagkakataon para sa 199-km Malolos-Tarlac Stage Four sa Pebrero 24 bago magtungo sa bulubundukin ng Baguio para sa 8.8-km Stage Seven na individual time trial na magtatapos sa ituktok ng Sto. Tomas sa Pebrero 27 o sa gabi ng Panabengga Festival.
Nakataya sa Ronda ang kabuuang P5 milyong premyo kung saan ay tatanggap ng P1 milyon ang tatanghaling overall individual champion kung kaya naman matindi ang pagnanais ng mga kasali, kabilang na ang nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza, na muling maisukbit ang korona.
“Gusto ko iuwi muli ang korona sa Mindanao,” sinabi ni Lapaza, na miyembro ng Team Butuan, na asam maging unang siklista na dalawang magkasunod na taon na tinanghal na kampeon.
Makakatulong ni Lapaza ang kanyang nakababatang kapatid na si Cezar Jr. sa inaasam na korona matapos naman maaksidente at bawian ng buhay ang kanyang naging katulong sa pag-agaw sa titulo sa pinakahuling yugto noong nakaraang taon na si Vicmar Vicente.
Gayunman, nakaamba ang iba pang siklista sa mailap na titulo, partikular na sina Ronald Oranza ng Philippine Navy at Boots Ryan Cayubit ng 7-11 ByRoadbike Philippines na kapwa dinomina ang ginanap na Luzon at pinagsamang Vis-Min qualifying legs.
Pinagharian ng 22-anyos na si Oranza ang 136.5 Stage One at ang 102.7-kilometer Stage Two sa bilis na 2 oras 34 minuto at 41 segundo para kumpletuhin ang pagwalis sa Luzon phase at magbigay ng babala sa mga paboritong sina Lapaza at Mark Lexer Galedo.
Hinakot din ni Oranza na tubong Villasis, Pangasinan ang titulo sa King of the Mountain at Sprint King honors ng Luzon qualifying sa kanyang panalo sa Stage One sa Tarlac City noong Linggo upang biguin ang mga kakamping sina Jan Paul Morales at Santy Barnachea, ang 2011 inaugural Ronda champion.