Mistulang malala na ang pagiging makakalimutin ni pork scam whistleblower Merlina Sunas.

Sa kabila nang maraming detalye hinggil sa kaso na inilabas niya sa mga unang pagdinig, napansin ng mga mahistrado ng Sandiganbayan Third Division na marami nang katanungan na hindi niya nasagot hinggil sa kaso nang siya ay humarap sa witness stand kahapon.

“Pareho kami ng obserbasyon ni Justice Quiroz na mayroon kang selective memory,” pahayag ni Sandiganbayan Presiding Justice at Third Division Chairperson Amparo Cabotaje-Tang hinggil sa bungi-bunging testimonya ni Sunas.

Sa kanyang pagtestigo, sinabi Sunas na tinulungan siya ni Janet Lim Napoles, tinaguriang utak ng pork barrel fund scam, sa paglikha ng mga bogus na proyekto, listahan ng mga benepisyaryo at paghahanda ng mga pekeng dokumento na kanilang ginamit sa pagpapalabas ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Sen. Juan Ponce Enrile, isa sa mga kinasuhan ng plunder kaugnay sa kontrobersiyal na pondo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nang tanungin ni Tang kung mayroon siyang pangalan ng mga benepisyaryo, sinabi ni Sunas na nasa kanilang tanggapan ni Napoles sa JLN Corporation ang mga dokumento.

Nang segundahan ng isa pang tanong ng mahistrado si Sunas kung paano niya nakuha yun listahan ng mga benepisyaryo, muling sagot ni Sunas na “nasa opisina po ang mga dokumento.”

Sa ikatlong pagkakataon nang ulitin ni Tang ang tanong, pareho pa rin ang naging tugon ng whistleblower. Sa puntong ito ay sinabon na ng mga mahistrado si Sunas dahil sa kanyang “amnesia.”