LOS ANGELES (AP) — Sakay ng ambulansya, muling isinugod sa ospital ang dating rap mogul na si “Suge” Knight mula sa isang courthouse sa Los Angeles, kaugnay sa hindi pa matukoy na medical issue.

Ito ang pangalawang pagdadala kay Knight sa ospital habang hinaharap niya ang mga kasong murder at robbery.

Noong Huwebes ay nakatakdang humarap si Knight sa korte para sa arraignment ng kanyang kasong criminal threats, ngunit hindi siya nakarating.

Ayon sa kanyang abogadong si Davide Kenner, sinabi sa kanya ng bailiffs at ng isang judicial officer na may karamdaman sa tiyan si Knight at isinailalim na siya sa pagsusuri bago pa niya ito malaman.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Walang impormasyon ang Sheriff’s Department tungkol sa kalagayan ni Knight.

Isinugod sa ospital ang co-founder ng Death Row Records mula sa Compton courthouse nang makaramdam siya ng paninikip ng dibib nang maghain ng not guilty sa mga kasong murder, attempted murder at hit-and-run.

Nanatili sa ospital si Knight, 49, nang mahigit isang araw matapos siyang magamot.

Inakusahan si Knight ng pagpatay sa 55-anyos na si Terry Carter sa parking lot ng isang burger stand sa Compton noong Enero, habang sugatan pa ang isang lalaki. Nananatiling nakakulong ng walang piyansa si Knight sa nasabing kaso.

Nakasuhan din ng robbery si Knight nang iulat ng isang celebrity photographer na ninakaw diumano niya at ng komedyanteng si Katt Williams ang isang camera noong Setyembre.

Naghain ng not guilty plea sa kasong robbery sina Knight at Williams, at idinagdag kamakailan ng mga prosecutor ang threat charge laban kay Knight.

Anim na beses nabaril si Knight sa isang nightclub noong Setyembre, ilang araw bago siya maakusahan na nagnakaw ng camera sa Beverly Hills. Itinurong dahilan ng kanyang mga abugado ang kumplikasyon sa sugat na natamo ni Knight sa pamamaril na kanyang medical issues.

Isang judge ang hindi pumayag na suriin si Knight ng kanyang personal physician sa loob ng piitan.