Ipinagkalooban ng Quezon City Council sa pamumuno ni Councilor Alexis R. Herrera ng tig-P20,000 ang pamilya ng 44 napatay na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) bilang tulong pinansiyal at tig-P10,000 naman sa pamilya ng 15 sugatang commando.
Ito ay makaraang lagdaan sa konseho ang isang resolusyon na iniakda ni Herrera at inamiyendahan ang pagkaloob ng P1 milyong pinansiyal na tulong sa mga namatay at sugatang SAF commando sa bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Una nang nagbigay ng tig-P6,000 ang 36 konsehal ng siyudad bilang suporta sa naulila ng SAF 44 sa pangunguna ni QC Vice Mayor Joy Belmonte sa SAF Headquarters, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig.
Ayon kay Herrera, ang iniakda niyang resolution ay bilang pagkilala sa kabayanihan at katapangan na ipinamalas sa bakbakan ng SAF 44 sa puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tiniyak pa ni Herrera na nakikiisa ang Lungsod Quezon sa paghangad ng katarungan at katotohanan sa brutal na pagkakapatay sa mga police commando.