Pinabulaanan ng Malacañang mayroon itong pinaplantsang “exit plan” para kay Pangulong Aquino bunsod ng lumalakas na panagawan mula sa iba’t ibang sektor na siya ay magbitiw sa puwesto.
Kasabay nito, tiniyak ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi magbibitiw sa puwesto si Aquino hanggang matapos ang kanyang termino sa 2016.
“Bababa sa puwesto ang Pangulo sa Hunyo 30, 2016. ‘Yan ang matitiyak ko sa inyo. Ang mga balita o istorya hinggil sa ano mang ‘exit plan’ bukod dito ay maituturing na fictitious lamang,” ayon kay Valte.
Ang pahayag ni Valte ay bilang reaksiyon sa ilang ulat na may pinaplantsang “exit plan” ang Malacañang para kay PNoy bunsod ng mga panawagan na magbitiw ito dahil sa kapalpakan ng gobyerno sa pagpapatupad ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 kung saan 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang napatay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Bukod sa mga militanteng grupo, akademya, organisasyon ng mga estudante, grupong manggagawa, nakisama na rin ang ilang lider ng Simbahang Katoliko kay Aquino na magbitiw na sa puwesto bunsod ng Mamasapano carnage.
Kumpiyansa si Valte na hindi magtatagumpay ang mga panawagan ang magbitiw ang Pangulo.
Bagamat tiniyak ng opiysal na nirerespeto ng Palasyo ang karapatan ng publiko na magsagawa ng protesta at ihayag ang kanilang saloobin hinggil sa iba’t ibang isyu tulad ng Mamasapano incident.
“Bahagi ito ng demokrasya na ating tinatamasa upang tayo ay malaya nang makapaghayag sa iba’t ibang usapin. Obviously, we disagree to their calls to action,” giit ni Valte.