Tuwing may mga mamamahayag na nagiging biktima ng karumaldumal na pagpaslang, kaliwa’t kanan at matinding pagkondena ang isinisigaw ng gobyerno at ng mismong mga organisasyon ng media. Kagyat ang ganitong reaksiyon na naglalarawan ng kawalan ng kakayahan ng administrasyon at ng mismong mga alagad ng batas sa mabilis na pagtugis sa mga salarin upang isakdal sa hukuman. Nagiging dahilan ito ng kawalan ng pinatutunguhan ng mga asunto laban sa mga pumatay sa mga mediaman.
Hindi malayo na ito rin ang sapitin ng isa na naman nating kapatid sa propesyon. Si Maurito Lim, isang broadcaster sa himpilan ng DYRD sa Tagbilaran City ay pinatay kamakailan. Siya ang ikalawang journalist na napatay sa Bohol, ika-31 biktima sa administrasyon ni Presidente Noynoy Aquino at ika-172 simula ng panunungkulan ni Presidente Cory Aquino noong 1986.
Sa nabanggit na bilang ng mga pinapaslang na mga mamamahayag, wala pa akong natatandaang nalapatan ng katarungan. Ang mga suspek ay nananatiling nakalalaya at nagpapatuloy marahil sa paghahanap ng mabibiktima; kabilang ang mga ito sa sindikato na pinaniniwalaang ginagamit ng ilang pulitiko at negosyante sa paghihiganti sa mga mediaman na buong-tapang namang naglalantad ng mga katiwalian at katotohanan.
Ang kawalan ng positibong aksiyon sa pagpaslang sa mga journalist ay nagpapatunay lamang ng pamamayani ng kultura ng kapabayaan ng mga awtoridad na may pananagutan sa paglalapat ng hustisya. Walang nagtatangkang buwagin ang tinatawag na culture of impunity sa lahat halos ng kasong kriminal na nagaganap sa bansa. Sa ilalim ng nakadidismayang sistemang ito, ang mga salarin ay hindi man lamang sinasalang ng mga alagad ng batas upang paharapin sa katarungan. Mistulang pinababayaan ang mga ito upang magpatuloy sa paghahasik ng karahasan.
Kahawig kaya ito ng mga halang ang kaluluwa, wika nga, na pumatay sa ating Fallen 44 na pilit na inilalayo sa mga pananagutan? Sana ay hindi matulad ang pinatay na mga kapatid natin sa propesyon.