Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na posibleng direktang maapektuhan ang kabataan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kapag naunsiyami ang usapang pangkapayapaan sa rehiyon.
Sinabi ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman na posibleng maglaho ang magagandang nagawa ng gobyerno sa ARMM kapag hindi natuloy ang peace negotiations.
“In times of conflict, communities are displaced, schools and health services are discontinued, and food becomes inadequate because our programs and service through supplementary feeding will not be able to enter and will be disrupted therefore children will be the one that will directly suffer,” pahayag ng kalihim.
Bago ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na police commando ang napatay na naging malaking isyu sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa Mindanao, sinabi ni Soliman na marami nang maralitang pamilya sa rehiyon ang natulungan ng gobyerno, partikular sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon pa kay Soliman, ang pinakamaraming benepisyaryo ng 4Ps ay mula sa ARMM, na aabot sa 416,637 pamilya ang nabiyayaan ng tulong mula sa gobyerno.
Mula sa kabuuang bilang, aabot din sa 1,158,021 kabataan ang natulungang makapag-aral at mapangalagaan ang kalusugan sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno.
“In Mamasapano alone, there are almost 3,000 families benefiting under the 4Ps program since 2009,” dagdag ng kalihim.
Kabilang sa mga proyekto ng 4Ps ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga maralitang pamilya at pagpapatupad ng Social Pension Program sa mga senior citizen.
Ang iba pang proyekto ay kinabibilangan ng konstruksiyon ng mga day care center, Modified Shelter Assistance Project, emergency shelter assistance, supplementary feeding at cash-for-work. - PNA