Isasagawa sa unang pagkakataon sa makulay na kasaysayan at sa nakalipas na dekada sa labas ng Metro Manila ang National Finals ng ika-39 na edisyon ng prestihiyosong Milo National Marathon sa Disyembre 6.

Tradisyunal na isinasagawa kada taon alinman sa malawak na Quirino Grandstand o Mall of Asia complex, dadayo ang pinakamatagal at pinakaaabangang karera sa bansa sa Angeles City sa Pampanga para sa huling yugto na paglalabanan ang titulo bilang hari at reyna ng marathon sa bansa.

Napag-alaman sa nag-oorganisa sa natatanging patuloy na isinasagawang karera kada taon na Milo Marathon sa pamumuno ni Milo Sports Executive Andrew Neri na huling isinagawa sa isang probinsiya ang karera noon pang 1999 sa Clark Field sa Pampanga.

Huli namang itinanghal na Milo Marathon Queen at King sina Mary Joy Tabal na iniuwi ang kanyang ikalawang sunod na korona at ang miyembro ng pambansang koponan na si Rafael Poliquit na isinukbit ang kanyang kauna-unahang korona sa 42.195 kilometrong karera sa ika-38 edisyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Muling isasagawa ng MILO ang kabuuang 18 yugto na tatahakin ang NCR, Luzon, Visayas at Mindanao upang bigyan ng dekalidad na karera ang mga bata at matatandang runners at hanapin na din ang susunod na kikilalanin na kampeon at posibleng magrepreseneta sa bansa sa internasyonal na torneo.

Sasambulat ang ika-39 edisyon sa Hunyo 28 sa Dagupan at agad susundan sa Hulyo 5 sa Baguio City. Tutulak ito sa Hulyo 12 sa Tarlac tungo sa Hulyo 19 sa Balanga, Hulyo 26 sa Metro Manila, Agosto 2 sa Calapan, Agosto 9 sa Lipa, Agosto 16 sa Naga at Agosto 30 sa Lucena City.

Magbabalik ito sa Setyembre 20 sa Iloilo bago sundan sa Setyembre 27 sa Bacolod, sa Oktubre 4 sa Tagbilaran, Oktubre 11 sa Cebu, tutulalk sa Oktubre 18 sa General Santos at sa Nobyembre 8 sa Davao, Nobyembre 15 sa Butuan, Nobyembre 22 sa Cagayan De Oro bago ang pinakapinale sa Disyembre 6 sa Angeles City.

Isa sa pinagbasehan ng mga namamahala sa paglipat sa karera sa Pampanga ay ang hindi gaanong kasikipan ng paggaganapang lugar maliban sa mas malamig at kaaya-aya ang hangin na inaasahan nitong makakadagdag ng tsansa para makapagtala ng mabilis na oras ang mga magkukuwalipika sa National Finals.

Asam ng mga namamahala sa prestihiyosong karera na muling makapagtala ng rekord sa mga magpapartisipa habang nakataya rin ang pagkakataon na irepresenta ang bansa sa isang karera sa labas ng bansa.

Matatandaang dagdag na insentibo kina Tabal at Poliquit ang paglahok nito sa 2015 Tokyo Marathon matapos magwagi sa ika-38 edisyon ng karera noong nakaraang taon.