ISULAN, Sultan Kudarat – Inamin ng isang nagpakilalang Kumander Haramen ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sangkot siya at ang 35 niyang tauhan sa engkuwentro sa mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Sitio Amelil, Barangay Tukanalipao sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, pero iginiit na tumugon lang sila sa utos ng commander ng 105th Base na si “Abdulmanan”.

Sinabi ni Haramen na una silang pinaputukan ng noon ay hindi pa nila batid na mga tauhan pala ng PNP-SAF sa bahagi ng maisan at dalawa sa kanyang mga tauhan ang agad na tinamaan kaya kinailangan nilang gumanti.

Sa isang maikling panayam sa kinikilalang “Operation Officer”, sinabi niyang ang anumang pagkilos ng kanilang hanay ay nakabatay sa utos ng MILF Central Committee sa kanilang pinuno at sa mga tinatawag na field commander.

Sinabi rin ni Haramen na hindi siya likas na rebolusyonaryo, kundi isang simpleng magsasaka na handang itakwil ang karahasan kapalit ng kapayapaang kanya ring inaasam para sa Bangsamoro, pero inamin niyang hindi pa malinaw kung susuko sila—at ang kanilang mga armas, alinsunod sa Bangsamoro Basic Law—hanggang sila ay nabubuhay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dagdag pa nito, sinabi ni Haramen na kung ipag-uutos ay handa silang kumilos para dakpin ang bomb expert na si Bassit Usman, na inilarawan niya bilang isang rebolusyonaryo.

Aniya, kung iuutos ng nakatataas sa MILF ay handa silang humarap sa gobyerno kaugnay ng engkuwentro sa Mamasapano.