Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Crisis Alert Level 3 (voluntary repatriation) sa Alert Level 4 (mandatory repatriation) sa Yemen bunsod ng lumalalang sitwasyon sa bansa.
Ayon sa DFA, sapilitang pauuwiin sa Pilipinas ang tinatayang mahigit 4,000 Pinoy sa Yemen, na ang gastusin ay babalikatin ng gobyerno.
Nabatid na sasagutin ng gobyerno ng Pilipinas ang ticket sa eroplano, maging ang mga immigration penalty at iba pang kailangang iproseso ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nais bumalik sa bansa.
Inaabisuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, na may hurisdiksiyon sa Yemen, ang lahat ng OFW na makipag-ugnayan sa Crisis Management Team (CMT) nito sa Sana’a para sa kaukulang ayuda sa ipinaiiral na mandatory repatriation.
Maaaring tawagan ng mga kababayan ang CMT sa Sana’a sa Movenpick Hotel sa +967.73.384.4958 o mag-email sa [email protected].
Nilinaw ng embahada na ang mga Pinoy sa Yemen ay dapat na kumuha ng “No Objection Certificate” mula sa kanilang sponsor para sa kanilang entry o working visa at ang kanilang employer ang mag-aayos ng kanilang exit visa.
Pinayuhan din ng ahensiya ang mga Pinoy na dalhin ang orihinal na kopya ng kanilang Philippine passport at NOC sa embassy team habang ang napasong pasaporte ay may extended gratis at ang mga nakawala naman ng dokumento ay pinagdadala ng dalawang ID-size photo para sa gratis issuance ng Philippine travel document.
Sakaling kailangan, mainam na dalhin na rin ang katibayan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) membership ng mga OFW.
Mahigpit na bilin ng embahada sa mga Pinoy na iwasang bumiyahe o lumabas ng kanilang bahay kung hindi naman importante at huwag sumali o lumapit sa anumang protesta at mga lugar na nababalot sa kaguluhan.