Pagpapalang galing sa Itaas na inaasahang makakatulong ng malaki sa intensiyon nilang umakyat sa mas malaking liga para kay Hapee franchise owner at Lamoiyan Corporation president Cecilio Pedro ang kampeonatong nakamit ng Fresh Fighters sa katatapos na 2015 PBA D League Aspirants Cup.

“Sobrang happy, feeling Hapee,” ang may halo pang biro na pahayag ni Pedro.

“Five years kaming nawala tapos eto, another blessing from the Lord, and I’m very thankful,” dagdag pa nito.

Bagamat nagpahayag ng pagkadismaya sa natamong mga injury ng ilan nilang key players sa laro, wala namang sinisi ang Lamoiyan chief sa mga nangyari.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

“It’s not satisfying for me ‘cause I hate to see our players getting injured. Pero ‘di naman maiiwasan ‘yun kasi sa  tindi ng intensity, there are players who will do everything to get the win,” ayon pa kay Pedro. “At ‘yun naman ang ayaw ko, I want to win but not at the expense of hurting players.”

Naging makatotohanan din si Pedro, na nauna nang nagwagi ng apat na titulo noong dekada 90 sa nagsarang ligang Philippine Basketball League, nang aminin nito ang intensiyong umabot ng PBA.

“Baka sakali, ‘yun naman talaga ang intensiyon namin for playing in the D-League, to go up and join the PBA.”

Gayunman, nakasalalay aniya ang kanilang magiging desisyon sa ‘concession’ na ibibigay sa kanila ng PBA.

“Kung papayagan kami na dalhin ‘yung core ng Hapee, puwede pero kung hindi dito na lang kami sa D League.”

“Nasa pag-uusap naman ‘yan, e. Depende na lang sa mapagka-kasunduan,” ani Pedro na optimistiko sa kanilang tsansa na makaakyat sa pro ranks dahil aniya sa estado ng dinadala nilang produkto sa merkado na tinatangkilik ng masa.

Hinggil naman sa laro, napukaw naman ng Game Two hero na si Scottie Thompson ang pansin ng dati ring manlalaro ng basketball noong kanyang kabataan bago naging varsity swimmer ng Ateneo sa kolehiyo na si Pedro.

“’Yung character of not giving up, akala nila wala na e. Kahit nga si coach Ronnie (Magsanoc) iniisip na yung laro sa Monday.Buti nag step- up si Scottie (Thompson), siya ang MVP ng championship series,” ani Pedro.