Nangako sa kanyang sarili si Mark John Lexer Galedo na babawiin ang humulagpos sa kamay nitong korona sa pagsikad ng Championship Round ng 2015 Ronda Pilipinas na inihahatid ng LBC simula sa Linggo, Pebrero 22 at magtatapos sa Pebrero 27sa Baguio City.  

Hinding-hindi makakalimutan ni Galedo ang naganap noong nakaraang taon na nabitiwan nito ang isang segundo na kalamangan sa huling yugto ng labanan upang mabitiwan ang simbolikong red jersey pagtuntong sa huling araw ng labanan at ang nakatayang korona na may nakaakibat na P1-milyong premyo.

“Mas pagbubutihin ko po ngayon,” sabi ni Galedo na siyang tinanghal na Best Cyclist sa ginanap na PSA Awards kamakailan. “Natututo na po tayo sa ating karanasan kaya po sa sarili ko na hindi na mauulit ang nangyari,” sabi pa nito.

Gayunman, inaasahang matinding hamon ang kakaharapin ni Galedo hindi lamang  sa labanan sa nakataya sa karera na individual overall championships kundi pati na ang hamon ng nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan City.

National

Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Muling magkakabalyahan ang dalawa sa pagsikad ng Ronda Pilipinas 2015 bukas, Linggo, sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna kasama ang iba pang nagpapakitang husay na mga siklista na ginanap na tatlong araw na Vis-Min leg at Luzon qualifying leg.

Inamin ng 29-anyos na si Lapaza na matagal niyang pinaghandaan ang karera kung saan maaga nitong ipinakita sa pagtapos sa ikalimang puwesto sa isinagawang tatlong yugto na Visayas qualifying leg sa Dumaguete, Sipalay at Bacolod City kontra sa 62 iba pang lumahok.

“Mahirap po ang labanan ngayon dahil walang team at individual category lamang,” sabi ni Lapaza. “Lahat po tiyak na magtatangka na makuha ang overall kaya bakbakan po iyan kada lap,” sabi nito.

Nakatuon din si Lapaza kay Galedo, na kanyang inagawan ng titulo sa pinakahuling yugto, sa mga miyembro ng national team at Army, gayundin sa 7-Eleven at ang Navy-Standard Insurance riders na inaasahan niyang pipigil sa kanyang asam maging kauna-unahang two-time champion sa pinakamayaman at pinakamalaking karera sa bansa.

Dagdag din sa inaasahang magtatangkang hablutin ang korona sina 2012 Ronda champion Irish Valenzuela, 2011 titlist Santy Barnachea at ang Luzon qualifier winner na si Ronald Oranza sa karera na inihahatid ng LBC kasama ang major sponsor na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi pati na ang mga minor sponsor na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX  at sanctioned ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino pati na TV5 at Sports Radio bilang media partners.

Makakaagawan din nina Lapaza, Galedo, Barnachea Valenzuela, ang miyembro ng national team na lumahok sa Asian Cycling Championships sa Thailand, ang composite European squad at ang 70-iba pang riders na nakapasa sa mapanghamon na qualifier sa Luzon at Visayas.

Matapos ang tatlong araw na pahinga ay sisikad muli bukas ang karera sa isasagawang 60-km criterium na iikot sa Greenfi eld City sa Sta. Rosa, Laguna sa umagat bago ang 120.5-km lap simula Calamba tungo sa Quezon National Park or Tatlong Eme (Three Ms) or Bitukang Manok (Chicken Instestine) sa Atimonan, Quezon sa hapon.

Simula sa Atimonan ay tutulak ang Ronda patungo sa Lucena, Antipolo, Malolos, Tarlac, Dagupan bago tuluyang umakyat at magtapos sa huling matinding dalawang yugto sa Baguio.