Dindo-M.-Balares-by-Ben-Nollora-copy

(Ito ang inihanda kong acceptance speech sa Natatanging Gawad Tanglaw sa Sining ng Panulat na ipinagkaloob sa akin nitong nakaraang Huwebes na sa sobrang nerbiyos ay hindi ko nabasa pero nairaos pa rin naman mula sa memorya kahit papaano. Inilalabas ko ito kasabay ang mula sa pusong pasasalamat sa Liwayway, Balita at Manila Bulletin na humubog sa akin bilang manunulat.)

HINDI ako deserving sa parangal na ito. Napakabata ko pa para bigyan ng lifetime achievement award sa sining ng panulat. Kaya ang sabi ko kay Dr. Romeo Flaviano I. Lirio, ang Chairman Emeritus nitong Gawad Tanglaw, tatanggihan ko ito.

Ang paliwanag niya, sa Gawad Tanglaw, hindi na nila hihintayin ang pagtanda ng isang alagad ng sining para kilalanin ang galing. Kung magaling ka, magaling ka anuman ang edad mo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaya maraming salamat, Gawad Tanglaw, dahil sa inyo, ngayon, alam ko na....

Iba-iba rin kasi ang writers. May ilang mahilig sa pataasan ng ihi, sabi nga ng Master ko na si Edgardo M. Reyes (SLN). At sila rin daw naman ang nababasa ng sariling... ihi nila. Pero may writers naman na laging insecure sa mga sinusulat nila, at isa na ako d’yan.

Dahil sa award na ito, lumalakas ang loob ko na ituloy ang plano kong distribusyon sa mga eskuwelahan ng huling libro ko na tinubuan na ako ng uban bago ko natapos. Inilagay ko sa librong ito ang matayog na pangarap nating lahat na makahanap ng mga lider -- mula konsehal hanggang presidente -- na genuine ang malasakit sa mga mamamayan.

May proposal din na summit ang libro para sa goverment at private/business sector na gumawa ng master plan para sa Pilipinas, upang hindi laging ganito na ala-tsamba ang direksiyon ng national life natin.

Ang nakakalungkot lang, masakit man pero kailangang tanggapin, wala nang pumapansin sa mga manunulat ngayon.

Kaya pambihira ang Gawad Tanglaw, kayo lang ang award-giving body sa entertainment industry na kumikilala sa amin.

Sa literature matatagpuan ang tunay na diwa ng isang bansa, pero hindi interesado ang mga Pilipino sa mga kababayang manunulat. Fifty Shades of Grey, Twilight saga, Hunger Games at iba pang bestsellers sa ibang bansa ang binabasa natin, lalo na ang kabataan.

Obvious naman ang resulta, di ba? Hanggang ngayon, parang praning ang bansa natin. Wala tayong sariling identity. Hindi natin alam kung saan tayo nanggaling. At lalong hindi alam kung saan patungo.

Sinulat ko ang huling libro ko para ialay sa mga kababayan natin ang identity na matagal na panahon nang ninakaw at itinatago sa atin.

Ang problema lang, lumakas man ang loob ko na dalhin sa mga estudyante ang libro ko, tulad din ng Gawad Tanglaw, awan ti cuarta. Wa’ datung. Walang sapat na pondo.

Tiyak na walang idea ang kapwa ko awardees kung bakit ngayon, Pebrero 19, ang awarding rites. Usisero ako kaya alam ko. Dahil sumahod na noong a-kinse ang mga professor, may pang-ambag-ambag na sila para maisagawa ang Gawad Tanglaw awarding rites. Nakakabilib. Nakaka-inspire. Kaya gusto kong gayahin. Laging kapos sa pananalapi pero tingnan n’yo naman, Gawad Tanglaw ang laging halos perfect attendance ang awardees taun-taon.

May ilan akong mabubuting kaibigan, dala-dalawang kopya ang binibiling libro para ipamigay ang isa. May bumibili ng 100 kopya tulad ni Nanay Cristy Fermin at 500 copies tulad ng isang philanthropist na blind item dahil ayaw magpakilala, at ipinamimigay din sa mga kaibigan at mga eskuwelahan. Kaya hindi naman nakatengga ang proyekto.

May pag-asa pa ang Pilipinas.

Sa vision ko, kung mababasa ng mga bata sa schools ngayon ang libro, at maging enlightened sila, ilang taon lang ang bibilangin simula ngayon ay sila na ang boboto. Suntok sa buwan, pero kailangan. Dahil hindi naman maaaring pati kaapu-apuhan natin ay ganitong Pilipinas ang sisilangan at titirhan. At ganyang mga hilatsa ng lider pa rin ang titingalain.

Kaya kung tulad kayo ni ‘Nay Cristy na may extra cash at may higanteng puso na nagmamahal sa Pilipinas, kahit isang kopya lang para sa isang estudyante o library ng school na pinanggalingan ninyo, malaking bagay na. Karagdagang hakbang.

Minsang nawalan ng silbi ang award-giving bodies sa entertainment industry dahil sa filmfest scam. Bumagsak ang movie industry. Noon lumitaw ang visionary na si Dr. Lirio kaya nabuo ang Gawad Tanglaw sa academe. Nagsunuran ang ibang schools. Bumalik ang tiwala ng movie-going public sa industriya. Ngayon, buhay na buhay uli ang movie industry.

Sa pagbibigay-halaga ng Gawad Tanglaw ngayon sa literatura, dasal kong mabuhay at mapasigla rin nila ang panitikang Pilipino.

Kaya bagamat sila rin naman ang nagbigay, iniaalay ko ang award na ito sa kadakilaan ng Gawad Tanglaw. Nais ko pong palakpakan natin sila.