Hindi maalis sa puwesto sa bisa ng kudeta si Pangulong Benigno S. Aquino III.
Ito ang taya ni dating Navy Commodore Rex Robles, kabilang sa nagtatag ng dating Reform of the Armed Forces Movement (RAM) na naglunsad ng serye ng nabigong coup ‘de etat laban kay dating Pangulong Corazon C. Aquino, sa lingguhang Fernandina Forum sa Club Filipino, Greenhills, San Juan City.
“Military adventurism days are over. The Republic is safe as RAM is concerned,” pahayag Robles.
Sinabi ni Robles na karamihan sa miyembro ng RAM ay edad 70-pataas kaya’t hindi sila sasali sa anumang kudeta para gibain ang kasalukuyang administrasyon.
Aniya, nagkikitakita sila ng ilang miyembro isang beses kada linggo para sa fun time na pagpupulong at pag-usapan ang lumang istorya at nonsense stories.
Tinaya rin ni Robles na may ilang malalaking pamilya o negosyante ang handang pondohan ang kudeta para maprotektahan sariling interest habang ilang coup plotters ang magsasamantala rito para sa sariling kapakanan.
Malaki ang naging papel ng RAM para mapabagsak ang administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa tinawag EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986 na ipagdiriwang ngayong Pebrero 25.
Nagsagawa rin ang RAM ng hindi bababa sa pitong kudeta laban sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino, ina ni Pangulong Noynoy, ngunit pumalya.