Malaki ang kaibhan ng press freedom na iprinoproklama at pinoprotektahan ng batas, at ang press freedom na aktuwal na ipinatutupad at tinatamasa sa Pilipinas.
Ang press freedom ay nakatadhana sa ating Konstitusyon; nasa ating Bill of Rights – “No law shall be passed abridging freedom of speech, of expression, or of the press...” May mga limitasyon sa kalayaang ito upang protektahan ang pambansang seguridad at upang protektahan ang mga mamamayan mula sa libel. Ngunit, sa pangkalahatan, ang mga peryodistang Pilipino ay protektado ng batas sa kanilang trabaho, kabilang ang pangunahing batas ng bansa – ang Konstitusyon.
Taglay din ng Amerika ang parehong konstitusyonal na proteksiyon para sa press freedom - “Congress shall make no law… abridging the freedom of speech, or of the press….” Kaya sa maraming kaso ng libel na nagtatanggol sa mga peryodista sa mga hukuman sa Pilipinas, hayagang binabanggit ng ating mga abogado ang mga desisyon sa mga paglilitis sa Amerika na may epektong makapanghikayat sa ating mga hukuman.
Ngunit sa 2015 World Press Freedom Index na ini-release ng Reporters Without Borders noong nakaraang linggo, ang Pilipinas ay nasa ika-141 ranggo sa listahan ng 180 bansa, na higit na nasa ilaim ng Finland at iba pang bansa sa Europe, nasa ilalim ng maraming bansa sa South at North America, Africa, Asia, at Oceanic countries. Ang dahilan nito, sa listahan ng mga paglabag sa press freedom sa daigdig sa 2015, taglay ng Pilipinas ang napakarami sa mga namatay.
Noong Pebrero 14, binaril hanggang mapatay ang radio broadcaster na si Maurito Lim sa harap ng kanyang himpilan ng radyo sa Tagbilaran City, Bohol, ang ika-31 pag-atake sa isang peryodista mula nang manungkulan si Pangulong Aquino noong 2010. Mula noong 1996, 172 ang napatay, ayon sa National Union of Journalists in the Philippines. Ang pinakamalaking grupo ay ang 34 peryodista ang napatay sa Ampatuan Massacre sa Maguindanao, sa humihina nang mga araw ng dating adminstrasyon.
Ano ang ikinabuti ang isang matibay na proteksiyong laan ng Konstitusyon at batas sa press freedom sa ating bansa kung marami rin palang peryodista ang napapatay? Hindi nakapagtataka kung bakit nasa ilalim ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na tunay na nagtatamasa ng press freedom.
Sa harap ng maraming kaso at situwasyon sa atin bansa ngayon, ang kawalan ng political will na nagpapahintulot o humihimok ng pagpatay ng mga peryodista, madalas ng mga local na leader sa pulitika at mga drug lord at iba pang lokal na bigating mga kriminal. Wala ang press freedom sa listahan ng pambansang pamahalaan ng mga prioridad at malamang na ganoon din sa mga lokal na opisyal.
Kaya kailangang mamuhay tayong nasa mababang ranggo sa World Index of Press Freedom. At ang ating mga peryodista ay kailangang mamuhay nang may palagiang banta sa kanilang buhay. Maaari ngang hindi nakapukaw ito ng atensiyon at galit di tulad ng iba pang pamamaslang, ngunit naisakripisyo nila ang kanilang buhay sa altar ng isa sa ating pinakapayak na mga batas at kalayaan. Pinangangambahan natin ang pagdating ng araw na hihinto na nang umalam at makipagsapalaran ang ating mga peryodista dahil sa hindi pagkilos ng gobyerno. Idalangin na sana huwag dumating ang araw na iyon kailanman.