Dahil sa kawalan ng bidding, hiniling ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Korte Suprema na ibasura ang P268.8 milyong kontrata na ipinagkaloob ng Commission on Elections (Comelec) sa Smartmatic-Total Information Management (TIM) para sa diagnostic ng 82,000 Precinct Count Optical Scan (PCOS) voting machine.

Hiniling din ng IBP, ang pinakamalaking organisasyon ng mga abogado sa bansa, sa Supreme Court (SC) na ipatigil din ang implementasyon ng kontrata sa pamamagitan ng pagpapalabas ng temporary restraining order laban sa Comele Resolution No. 9922.

Iginiit nina IBP National President Vicente Joyas at General Counsel Pacifico Agabin, dapat ideklarang null and void ang Comelec Resolution No. 9922 dahil sa paglabag sa Government Procurement Reform Act.

“It may not be amiss to point out that one of the policies of the State is the promotion of good governance in all its instrumentalities. Corollary to this policy is the Comelec’s duty to safeguard the public trust and confidence in elections,” pahayag ng organisasyon.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinagkaloob ng Comelec ang kontrata sa Smartmatic-TIM at kinalaunan ay kinuwestiyon din sa SC.

Sa unang petisyon ng IBP, naghain ng hiwalay na petisyon ang Citizens for Clean and Credible Elections (C3E) at Automated Election System (AES) sa SC upang tuluyan nang ipagbawal ang Smartmatic na makibahagi sa ano mang bidding process para sa eleksiyon sa susunod na taon.

Hiniling din ng dalawang grupo sa korte na maglabas ng TRO upang mapigilan ang pagbibigay ng kontrata sa Smarmatic at hindi matuloy ang proseso ng bidding ng mga multi-milyong pisong kontrata sa 2016 elections.

Ayon naman sa IBP, iginiit ng grupo na tahasang nilabag ng Comelec, sa pamamagitan ni dating Chairman Sixto Brillantes Jr., ang RA 9184 nang lagdaan nito ang P268.8 milyong kontrata ng Smartmatic para sa repair, refurbishment at maintenance ng mga PCOS machine na ginamit na noong 2010 at 2013 election nang walang kaukulang bidding tulad ng nakasaad sa batas.