Isa sa mga nag-upload sa Internet ng diumano’y video ng engkuwentro sa Mamasapano ang lumutang sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Davao City.

Ito ang kinumpirma noong Miyerkules ni NBI-Davao Regional Director Dante Gierran.

Sinabi ni Gierran na batay sa pahayag ng nasabing lalaki, lumalabas na hindi siya ang orihinal na nag- upload ng video.

Ayon kay Gierran, ang video ay nagmula sa kaibigan ng lalaki sa Facebook, at dahil nakita niya ang video na “interesting”, in-upload rin niya ito.

National

VP Sara, sinagot pahayag ni Año na usapin ng 'national security' anumang banta kay PBBM

Kahit na lumalabas na hindi siya ang orihinal na uploader, sinabi ni Gierran na ito ay maaaring maging “lead” upang matukoy ang orihinal na uploader o ang mismong pinagmulan ng video.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DoJ) na gagamitin nila ang video bilang ebidensiya sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa engkuwentro sa Mamasapano.

Ipinakita sa video ang isang lalaki na nakabulagta sa maisan suot ang camouflage uniform na kalaunan ay nakilala ng kanyang mga kamag-anak na si Police Officer 1 Joseph Sagonoy, isa sa 44 na Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) commando, na dalawang beses na pinaputukan nang malapitan.

Ang PNP-SAF commandos ay nasa misyon para hulihin ang Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir alyas “Marwan” at ang Filipino bomb maker na si Abdul Basit Usman.

Ipinakita rin sa video ang grupo, karamihan ay armado, na kinukuha ang mga magazine at iba pang armas ng mga namatay na pulis.

Paulit-ulit na naririnig ang mga putukan sa background habang dalawang salarin ang sumisigaw ng, “Allah hu akbar!” - Philippine News Agency