Inaasahan na magiging hitik sa aksiyon ang ikatlong taon ng 2015 Philippine Super Liga (PSL) dahil sa mga inihandang matitinding torneo para sa natatanging liga ng indoor volleyball at beach volley na opisyal na hahataw sa Marso 21 sa Mall of Asia Arena.  

Sinabi ni PSL president Ramon “Tatz” Suzara na kinailangang limitahan ng SportsCore, ang organizer ng torneo, ang mga kalahok sa kababaihan upang makatutok ang bansa sa paghahanda sa mga internasyonal na torneo.  

“We want our opening ceremonies to be held in Philippine Arena but the team owners wanted their supporters as well as their employees and families na hindi na magbiyahe ng malayo so we decided it to be held here na lang in Manila instead of going to Bulacan,” sinabi ni Suzara.

Sisimulan ang programa ng PSL sa dalawang araw na Training Camp para sa mga nagnanais makapaglaro sa liga sa Marso 6 at 7 kung saan ay pipili ang anim na regular na miyembrong koponan na binubuo ng Petron, Foton, Philips Gold, Cignal, MLQU Athletic Club at alinman sa PLDT, Ayala Land, Meralco at Air21.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isasagawa naman sa Marso 11 ang ikalawang Draft Day alinman sa Cuneta Astrodome o sa isang open space sa The Fort. Matatandaan na tinanghal na unang rookie si Dindin Santiago na napili ng tinanghal na 2014 Grand Prix champion sa unang rookie draft na isinagawa sa NBA Café.  

Sisimulan naman sa Marso 21 hanggang Mayo 31 ang prestihiyosong All–Filipino Conference kung saan ay makikita ang galing at mga talento ng Pinay volleybelles. Inaasahan ang isang bagong kampeon sa torneo matapos na hindi na sumali sa torneo ang three-time champion na Philippine Army.

Gaganapin naman sa Hunyo 5 hanggang 7 ang unang Beach Volley Summer Challenge Cup na gagawin sa SM Sands by the Bay kung saan ay tampok ang tig-dalawang koponan sa men’s at women’s na kakatawan sa anim na regular na miyembrong koponan.

“They can enter iyong member nila mismo sa team o puwede silang kumuha ng mga player outside of their lists lalo na sa mga kalalakihan to represent their team,” giit ni Suzara.   

Sasabak naman sa Agosto 13 hanggang 21 ang Cignal HD Spikers ni coach Michael Carino at Sammy Acaylar bilang insentibo sa pag-uwi ng korona sa 2014 PSL Grand Prix sa gaganaping Asian Men’s Club Championship sa Kaoshiung, Chinese Taipei.

Susunod na lalarga ang unang Women’s Champions League (WCL) sa Agosto 15 hanggang 22 kung saan ay tampok ang mga nagkampeon sa PSL, Shakey’s V-Leauge, UAAP at NCAA bago sundan ng Beach Volley Open Series na bukas para sa lahat ng mahihilig maglaro sa buhangin sa Agosto 28 hanggang Oktubre 11.  

Nakatakda naman magtungo ang Petron Blaze Spikers, na nagkampeon sa 2014 PSL Grand Prix, sa Setyembre 12 hanggang 20 upang lumahok sa Asian Women’s Club Championship sa China.

Ang pinakahuli naman ay pag-arangkada ng PSL Grand Prix sa Oktubre 17 hanggang Disyembre 5.

Hahataw din sa bansa ang Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Under 23 Championships sa Mayo 1-9 kung saan ang magkakampeon ay lalahok sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.