Hangad ng magkapatid na Cezar Jr. at nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza na makapagtala ng sariling kasaysayan bilang unang magkapatid na magkakampeon sa isang prestihiyosong karera sa pagsikad ng 2015 Ronda Pilipinas na inihahatid ng LBC sa Pebrero 22 hanggang 27.

“Gusto po namin na iuwi sa Mindanao ang titulo ng Ronda Pilipinas para ipakita sa ating mga kababayan na hindi lamang po laging giyera ang nangyayari sa aming lugar,” sinabi ng tinanghal na 2014 overall champion na si Lapaza na mula sa Butuan.

Makakasama ni Lapaza ang mas nakababatang kapatid na si Cezar Jr. sa pag-arangkada ng championship round matapos silang nakapasa sa isinagawa na tatlong araw na Vis-Min leg kung saan ay ikasiyam si Reimon sa overall. Nasa ika-16 naman si Cezar.

“Wala po kasi akong katulong sa trangkuhan,” pahayag ni Reimon, na iniaalay ang kanyang pagtatanggol sa titulo sa dating kasamahan na yumaong si Vicmar Vicente.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

“Si Vicmar po kasi talaga ang taga-hawi ko. Daredevil po iyon kaya kami nanalo. Ngayon po ay aasahan ko ang kapatid ko na malakas sa akyatin. Sinubukan lang po namin kung kaya na niya sa Vis-Min leg at nakapasa naman siya,” giit pa ni Reimon.

 Ngunit inamin ni Reimon na mahihirapan siyang maipagtanggol ang korona dahil sa paglahok ng halos lahat ng pinakamagagaling na rider sa bansa sa pangunguna nina Mark John Lexer Galedo at miyembro ng national team at maging ang composite na European squad.

 “Susubukan po namin makuha uli ang overall kahit nandiyan ang lahat ng malalakas na kalaban,” dagdag ni Reimon sa karera na may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

Kaakibat din sa torneo ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang media partners. 

Sinabi naman ni Ronda Pilipinas Executive Project Director Moe Chulani na dadaan ang championship round sa mga ruta na hindi dating tinatahak ng mga siklista para sa pinakamahaba at pinakamayamang karera sa bansa at Asya.

“Ronda is not all about the race. We also try to explore other places because we want to promote as much places as we can to show everyone how beautiful the Philippines is,” ayon kay Chulani. “That’s why we have so many brand new routes in this edition, which will sure make Ronda not just unpredictable but also exciting.”

Ang padyakan, makaraan ang nakalipas na apat na taon ng karera, ay dadaan sa Paseo, Greenfield sa Sta. Rosa, Laguna at sa Calamba sa harap mismo ng bahay ng pambansang bayani na si Jose Rizal at matarik na Quezon Mountain Park sa Atimonan, Quezon o mas kilala bilang “Tatlong Eme (Three Ms) o “Bitukang Manok (Chicken Instestine)” sa loob ng isang araw.

Magsisimula naman ang championship round sa 60-km Stage One Criterium Race sa Paseo sa umaga bago tahakin ang 120.5-km Stage Two patungo sa Calamba sa Pebrero 21.  Magtatapos sa kinatatakutang akyatin sa Atimonan na kilala sa paliku-liko at matatalas na kurbada ang Stage Three sa Pebrero 22.

Nakataya sa Ronda ang kabuuang P5 milyong premyo, kabilang ang P1 milyon para sa tatanghaling overall individual champion.

Tatahakin din ng Ronda ang Malolos, Bulacan sa unang pagkakataon para sa 199-km Malolos-Tarlac Stage Four sa Pebrero 24 bago bumaybay sa bulubundukin ng Baguio para sa 8.8-km Stage Seven na individual time trial na magtatapos sa ituktok ng Sto. Tomas sa Pebrero 27 o sa gabi ng Panabengga Festival.