Tinatayang aabot sa 300 bahay ang natupok sa sunog sa isang residential area sa Pasay City kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng Pasay Fire Department dakong 11:00 ng umaga sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Michael Canucoy sa bahagi ng Virginia Extension at M. Dela Cruz malapit sa hangganan ng lungsod at Makati City.

Mabilis ang pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials at idineklara ang alarma sa sunog sa Task Force Alpha.

Bandang 1:06 ng hapon naapula ang sunog ng mga rumespondeng bombero sa lugar.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Karamihan sa mga apektadong pamilya ang walang naisalbang gamit sa bilis ng pagkalat ng apoy at pansamatalang nanunuluyan sa malapit na covered court at barangay hall ng Barangay 130.

Walang iniulat na nasaktan sa insidente samantalang inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog sa lugar at ang kabuuang halaga ng nasunog na ari-arian.

Noong Pebrero 16, patay ang apat na miyembro ng magkakaanak na kinabibilangan ng isang buntis na ginang at 10-taong gulang na babae habang 900 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa Barangay 201 Merville Access Road sa lungsod.