Dapat sumailalim sa boluntaryong pagsusuri ang mga Pinoy health worker sa Middle East bago umuwi sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Ito ang muling panawagan ng DFA bunsod ng unang kaso sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV) sa bansa nang magpositibo sa nakamamatay na sakit ang isang buntis na Pinay nurse na galing Saudi Arabia kamakailan.

Ayon sa Department of Health bumubuti na ang lagay ng Pinay na naka-quarantine sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa City.

Inihayag ni DFA Spokesperson Charles Jose, bagamat hindi ipinatutupad ng gobyerno ng Pilipinas ang sapilitang pagsusuri sa mga Pinoy worker sa mga ospital, dapat isulong ng inter-agency ng pamahalaan ang compulsory testing sa mga Pinoy na manggagaling sa mga bansa sa Middle East na apektado ng MERS-CoV bilang magandang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng nasabing virus na may sintomas na mataas na lagnat, ubo, hirap sa paghinga at pagtatae.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Inaabisuhan ang mga kababayang health worker doon na magsagawa ng inirekomendang infection control measure at boluntaryong magpasuri para sa MERS-CoV bago sila umuwi ng Pilipinas lalo na’t wala itong ipinaiiral na travel restrictions sa magtutungo at galing ng Arabian Peninsula.

Noong 2014, limang Pinoy ang namatay sa MERS-CoV sa rehiyon ng Gitnang Silangan partikular sa Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE).

Daan-daang Pinoy health worker ang nagtatrabaho sa iba’t ibang health care facilities sa Middle East na nanganganib sa posibleng pagkahawa sa virus dahil malapit at nangangalaga ang mga ito ng apektadong pasyente.

Pinapayuhan ang sinumang nagtataglay ng nabanggit na mga sintomas ay agad sumangguni sa doktor para sa medical attention.