Kinuwestiyon ng mga mamamayan ng Puerto Princesa ang pagpayag ng Comelec at Supreme Court sa recall election sa Puerto Princesa City na anila ay pag-aaksaya lamang ng pondo ng bayan dahil malapit na ang halalan.
“Malinaw na pag-aaksaya lamang ng pera ng sambayanan ang recall election sa Puerto Princesa, dahil ba na taga-UNA si Mayor (Lucito) Bayron ay gusto nilang mapalitan?” ayon kay Eduardo Sandoval. “Hindi ba nila alam na bangkarote ang Puerto Princesa sa poder ni dating mayor (Edward) Hagedorn?”
Sa inilabas na report mula sa Commission on Audit (COA) para sa taong 2012, umabot sa P663 milyon ang cash deficit ng dating administrasyon ni Hagedorn, na nangangahulugan na kulang ng P633 milyon ang pondo kumpara sa obligasyong pinansiyal ng lungsod.
Ayon din sa nasabing report ng COA, may namanang utang si Bayron mula sa administrasyon ni Hagedorn na umabot sa P2.1 bilyon sa financing institutions na tulad ng Home Development Mutual Fund (HDMF), P24.2M; Asian Development Bank (ADB), P154.2M; at Land Bank of the Philippines (LBP), P1.9B.
“Malinaw na pang-aabuso sa pondo ang labis na paggastos sa budget ni Hagedorn kaya halos bangkarote na ang sitwasyon sa pananalapi ng Puerto Princesa nang maupo si Bayron,” diin ni Sandoval. “Dagdag pa rito ang utang na umabot sa P159 milyon mula sa 2010 hanggang Hunyo 2013 na may mga bayarin sa mga hotel at restaurant na umabot sa P9.3 milyon, sa mga ospital na umabot sa P3.4 milyon, at marami pang iba pa.”
Ayon kay Sandoval, sa ilalim ng panunungkulan ni Bayron ay nabawasan ang utang ng lungsod kaya P13 milyon na lang ang hindi pa nababayaraan mula sa P159 milyong utang, batay sa ulat ng City Treasurer’s Office (CTO) noong Mayo 2014.