Hindi pa man nagsisimula ang championship round ng Ronda Pilipinas 2015 na inihatid ng LBC ay malaking premyo na agad ang nakubra ni Ronald Oranza na nagwagi sa dalawang araw na Luzon leg at Boots Ryan Cayubit na tinanghal na kampeon sa pinagsamang tatlong araw na Vis-Min qualifying leg.
Naiuwi ng matiyagang si Oranza ang kanyang pinakamalaking premyo na P123,000.00 matapos na itala ang back-to-back wins sa Stage 1 at 2 na may nakatayang P25,000 kada lap tungo sa pag-okupa sa overall individual championships na may nakalaan naman na P50,000 premyo.
Ang tanging nakaalpas kay Oranza ay ang puntos sa Stage 1 Intermediate Sprint na nagkakahalaga ng P10,000 kada yugto habang dalawang araw din nitong inangkin ang puntos sa pagiging King Of the Mountain na mayroon namang P10,000 premyo.
Ikinatuwa naman ng halos 120 siklista na sumali sa Vis-Min at Luzon leg ang isinagawang qualifying leg ng organizer na Ronda Pilipinas dahil nabigyan ng pagkakataon ang mga baguhang siklista at maging ang inilaang premyo sa lahat ng mga nakatapos sa karera.
“Maraming nagpapasalamat sa atin dahil dito pa lamang sa qualifying ay may premyo na silang nakukuha,” sinabi ni Ronda Race director Ric Rodriguez tungkol sa mga siklista.
Naibulsa naman ng matiyaga ring si Cayubit ang kabuuang P94,000.00 premyo matapos tanghaling Vis-Min leg overall champion na siya ding pinakamalaking insentibo kanyang maiuuwi sa kanyang apat na taong pagsabak.
Kabuuang 40 siklista mula sa Vis-Min at 40 naman na mula sa Luzon leg ang makakasama ng nakuwalipikang walong juniors sa anim na araw, na may walong yugto, na championship round sa Laguna at magtatapos sa ituktok ng Baguio