Hindi dapat ipagwalang-bahala ang bantang all-out war ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) laban marahil sa mga pulis at sundalo at sa ating gobyerno. Ito ay ibubunsod nila kung hindi mapagtitibay ang Bansomoro Basic Law (BBL). Nakapangingilabot ang naturang banta, lalo na kung iisipin na ang anumang digmaan ay nagbubunga ng matinding pinsala sa buhay at ari-arian ng mga naglalabanan: walang nagwawagi sa ganitong sagupaan.

Ang nabanggit na pagbabanta ay nagpapatunay lamang na talagang hindi garantiya ang paglahok ni MILF sa peace process sa pagtatamo ng katahimikan sa Mindanao na maraming dekada nang ginigiyagis ng kaguluhan. Nangangahulugan ba ito na nagkamali ang ating pamahalaan sa paglagda sa kasunduang pangkapayapaan na nilahukan ng mga pinaniniwalaang terorista? Ano ba ang maitatawag sa mga armadong MILF na lumusob at pumatay sa Heroic 44 sa madugong Mamasapano massacre?

Kahit paulit-ulit na ang pagtalakay sa itinuturing na patraydor na paglusob ng MILF sa naturang mga bayaning Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP), lalong tumitindi ang mga himala na ang MILF pa ang magpapalubha sa problema sa kaguluhan sa Mindanao. Maging ang mga mambabatas ay naniniwala na ang ipinaglalaban nilang BBL ay isang instrumento lamang na magiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng sambayanan na maaaring magbunga ng civil war. Maging ang maraming sektor ng taumbayan ay naniniwala na ang BBL ang aagaw ng matinding kapangyarihan na maghahari sa Mindanao. At hindi malayo na mahati ang bansa at kalaunan ay mabura na ang Pilipinas sa mapa ng daigdig.

Talagang malayo sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan ang paghahari ng MILF. Walang hindi naniniwala na kailangang magkaisa ang lahat ng sektor sa Mindanao – tulad ng MNLF, BIFF, Abu Sayaff, NPA at iba pa – tungo sa ganap na pagkakaisa, pagkakaunawaan at pagtutulungan.

National

'Pinakamataas mula 2008!' Self-rated poverty, tumaas sa 58% nitong Q2 ng 2024

Nangangahulugan lamang na ang MILF – bunsod ng kanilang pagbabanta – ay hindi garantiya sa pagsilang ng kapayapaan sa Mindanao.