Ang unang araw ng 2015 Lunar New Year o Spring Festival, ang pinakamalaki at pinakamahalagang festival para sa mga Chinese, ay ngayong Pebrero 19, na nagpapahayag sa Year of the Wooden Sheep, ayon sa Chinese zodiac. Ang Year of the Sheep ay magtatagal hanggang Pebrero 17, 2016. Maamo at payapa, ang tupa, na ang puting kulay ay nangangahulugan ng mabubuting bagay, ay kaibig-ibig na hayop; simula pa noong unang panahon, ginagamit ng mga tao ang balahibo nito bilang brush na panulat at ang balat nito bilang pangpanatiling mainit.

Mahigit isang bilyong mamamayan sa China at milyun-milyon pa sa buong mundo ang magdiriwang ng makulay na kapisthan na tatagal ng 15 araw, mula sa unang araw ng new moon hanggang sa susunod na full moon, at magtatapos sa lantern festival kung kailan lumalabas sa mga lansangan ang mga pamilya at nagsasabit ng magagandang pailaw. Ang bawat kalye, gusali, at bahay ay napalalamutian ng pula, na pinaniniwalaang isang masuwerteng kulay. Karamihan sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, ay nagdiriwang ng Chinese New Year, sa tradisyunal na mga rituwal na nagpaparangal sa mga kadiyosan at mga ninuno.

Nagdaraos ng kapistahan ang mga komunidad na Filipino-Chinese upang akitin ang kasaganahan, paigtingin ang pagbubuklod ng pamilya, at ipalaganap ang kapayapaan at pagsasama-sama. Pinagaganda ng mga pamilya ang kanilang mga tahanan, naghahanda ng masuwerteng salapi sa pulang ang-pao, naghahain ng matatamis na pagkain pati na ang mga prutas para akitin ang magandang kapalaran. Lumalahok sila sa mga float at dance parades na nagtatampok ng napalalamutiang mga dragon at leon, may fireworks display, at acrobatics sa mga Chinatown sa mga lungsod ng Pilipinas.

Nililinis ang mga tahanan ng Chinese upang mawalis ang kamalasan. Nakasabit sa mga gate ang pulang scroll na may mga tula, ang Chinese character na Fu ay nakapaskil sa sentro ng pinto, at mga larawan sa mga bintana. Sa bisperas ng New Year, nagtitipun-tipon ang mga pamilyang Chinese upang lasapin ang isang piging na tinatawag na “nian ye fan”, at binabati ang taon sa pamamagitan ng mga paputok. Tumatanggap ang mga bata ng mga regalo at pera, may bigayan ng regalo, at bumibisita rin ang mga extended family.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Naghahanda rin ang mga pamilya ng harmony trays na puno ng mga orange, lychee nuts, at nilalasap ang “masuwerte” na pagkain tulad ng turnip cake para sa kasaganahan at ang malagkit at matamis na tikoy para akitin ang suwerte. May simbolikong kahulugan ang mga pagkain, base sa mga pangalan o hitsura nito. Dapat may isda sa Chinese New Year sapagkat kapag kinain ito, pinaniniwalaang maghahatid ito ng salapi at suwerte, at gayon din ang dumplings, na ang hugis ay parang silver ingot, isang sinaunang Chinese money. Ang iba pang masuwerteng pagkain ay kinabibilangan ng spring rolls, malagkit na kakanin, at matamis na rice balls. Saan man sila naroroon, umuuwi ang mga tao upang ipagdiwang ang okasyon. Nagsimula ang mga family reunion sa panahon ng Shang dynasty noong 11th century BC, kasabay ng pamumukadkad ng mga bulaklak.

Ang Chinese New Year ay may mahigit 4,000 taon sa kasaysayan. Nagsimula ito sa isang halimaw na “nian” na umatake sa mga komunidad ng Chinese sa panahon ng tagsibol, at kinain ang lahat na madaanan nito. Nilabanan ng mga tao ito sa pamamagitan ng pagsasabit ng pulang papel ng tag-sibol sa mga pinto at paghahagis ng kawayan sa apoy. Ang halimaw, na natakot sa maliwanag na mga kulay at malalakas na tunog ng nasusunog na kawayan, ay lumisan. Simula sa araw na iyon, nagsasabit na ng pulang papel at mg aparol sa labas ng kanilang bahay at lumilikha ng malalakas na ingay sa bisperas ng New Year.