Isinauli na kahapon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga armas ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na ginamit ng 44 na pulis na namatay sa engkuwentro sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Isinagawa ang turnover ceremonies sa Camp Brig. Gen. Gonzalo Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Nagkamay ang mga representante ng MILF at mga opisyal ng pamahalaan sa naging tema ng pagbabalik ng mga armas ng PNP-SAF na pinangunahan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Gregorio Catapang Jr.
Ang isinauling mga baril ay mula sa 63 nawawalang gamit. Kabilang sa mga armas ang M-4 rifle na optics, laser designator at tactical flashlight, 33 Ferfrans/Rockriver assault rifle, 4 savage sniper rifle, 4 crew-served weapon (M-60 machine gun), 10 Ferfrans M-203 grenade launcher, isang 90mm recoiless rifle, 11 short firearm, 8 Glock handguns, 2 Berreta handguns at 1 CZ.
Nananawagan naman ang AFP sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na isauli rin nila ang mga armas na nakuha mula sa operasyon ng PNP-SAF. Ganito rin ang panawagan ng AFP sa mga sibilyan na nakakuha ng mga armas.
Nagluluksa pa rin ang PNP sa sinapit ng Fallen 44 sa operasyon laban kay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan sa Mamasapano.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang kasabwat nitong bomb maker ng Abu Sayyaf na si Basit Usman na sinasabing nasugatan sa engkuwentro.