Ipinatigil ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng poultry products at wild birds mula sa Oregon, USA dahil sa pagkalat ng Avian flu virus sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na kabilang sa mga poultry product na bawal munang ipasok sa Pilipinas mula sa Oregon ang poultry meat, isang araw na sisiw, itlog at semen.
Bunga nito, inatasan ni Alcala ang DA veterinary quarantine officer at inspector na nakatalaga sa lahat ng entry point ng bansa na kumpiskahin at huwag papasukin ang naturang mga produkto mula sa Oregon.
Pinahihinto rin ni Alcala ang proseso ng mga papeles para sa pagpapasok ng poultry product, ebalwasyon ng mga aplikasyon , at pagpapalabas ng Sanitary and Phytosanitary (SPS) import clearance para dito.
Nabatid na Disyembre 19, 2014 nang kinumpirmang may HPAI H5N8 sa Douglas County backyard bird flock malapit sa Winston, na 20 guinea fowl at dalawang manok ang namatay. Nakumpirma rin na may virus sa nahuling gyrfalcon sa Whatcom County, Washington .
Una rito, ipinagbawal na rin ng DA na maipasok sa Pilipinas ang poultry product mula sa Israel dahil din sa naturang virus.