Coco at Julia

HINDI maitago ni Coco Martin ang nararamdamang saya sa launching ng bago niyang project na Wansapanataym Presents: Yamishita Treasures.

Habang ini-interview kasi ng press ang aktor ay katabi naman niya ang special request niyang leading lady na si Julia Montes na pangiti-ngiti lang pero kitang-kita rin na may sandaling kinikilig sa mga isinasagot ni Coco.

National

Pag-aresto kina Guo, isang hakbang para masiguro kaligtasan ng PH -- Gatchalian

Kaya ang tukso namin sa dalaga ay, ‘kinikilig ka Julia…’ at biglang namula sabay sabing, “awkward kasi tinatanong ninyo siya na andito ako!?”

Pilit kasing inurirat ng press kung bakit sa dinami-dami ng leading lady ni Coco si Julia ang special request niya.

Naging leading lady siya ni Coco sa mga seryeng Walang Hanggan (2012) at Ikaw Lamang (2014-2015) at sa pelikulang A Moment In Time (2013).

E, para namang latang natupi si Coco sa tanong, hindi kaagad makasagot, dinaan na lang sa ngiti at may nangantiyaw pa uli na talagang dumalo pa ang aktor sa premiere night ng pelikulang Halik Sa Hangin.

“Pinahihirapan ninyo ako, eh,” aniya. “Ganu’n naman ang tao, 'pag gusto mo ang isang bagay… Tama na! ‘Ayun na lang!” masayang sagot ng aktor.

Sabay pahabol, “Hindi ba puwedeng mag-request?”

Nalaman namin na noong hindi pa pala sikat sina Julia at Coco ay nagkasama na sila sa programang Pangarap Kong Jackpot sa PTV4, kaya sa madaling sabi, malayo at malalim na ang narating ng pagkakaibigan nila.

At nang makahinga na si Coco sa sunud-sunod na tanong sa kanya ng entertainment press ay nakaisip na siya ng dahilan.

“Ganu’n naman 'pag sa proyekto, di ba, 'pag may nakikita kang nababagay sa role? After din nu’ng napanood ko siya sa Halik Sa Hangin, talagang sobrang galing na galing ako sa kanya. Sabi ko, sana magkasama ulit kami ni Julia.

“Nu’ng nakita ko ‘yung calendar ko na hindi kami magkakasama this year, at least dito sa Wansapanataym, magkakasama pa rin kami,” kuwento ng aktor.

Samantala, nu’ng gawin nina Coco at Julia ang pelikulang One Moment In Time ay pilit din silang tinatanong kung ano ba talaga ang real score nila dahil nang mga panahong iyon ay malabo na ang relasyon ng aktres at ni Enchong Dee.

Hanggang sa tuluyan ng naghiwalay sina Julia at Enchong at si Coco ang itinuturong dahilan ng paghihiwalay.

Hindi na naman nakausap sina Coco at Julia tungkol dito dahil naging bisi-bisihan na sila sa sunud-sunod nilang proyekto. Kaya sa pagkakataong ito, may linaw na ba kung ano ba talaga ang relasyon nilang dalawa?

“Wala pa naman,” natawang sagot ng aktor, sabay dugtong, “nakakatuwa, kasi may mga tao na sila pa ‘yung nai-excite para sa amin. Nakakatuwa din kasi, ibig sabihin, effective kami sa bawat proyekto na ginagawa namin.”

At dahil marami pang paliguy-ligoy ang sagot ni Coco, diniretso na namin kung naging sila ba o sila pa ngayon?

Natawang sagot ng guwapong aktor, “Pinapangunahan, eh, mauudlot, eh. Hindi, hindi pa.”

So, posible?

Biglang nagseryoso ang aktor, “May mga bagay na hindi dapat minamadali at iba't iba ang proseso ng tao. Marami pa kaming priorities and ayokong mag-take advantage na ‘pag nasa soap or magkasama kayo ay mangliligaw ka. Ako, ang gusto ko, if ever lang, ang gusto ko, kung ano man ako, ‘yun ang magugustuhan niya sa akin. Walang pretentions na parang gentleman ka lang,” paliwanag ni Coco.

If ever maging “sila na” ay aaminin ba nila ito?

“Oo naman,” mabilis pa sa alas kuwatrong sagot ni aktor. “Honestly from my indie days ko, wala namang naitago. Ang importante lang ay nagtatrabaho ako para din sa pamilya ko. Hindi naman ako showbiz. Kung wala naman akong dapat itago at wala naman akong ginagawang masama, anong reason para itago?”

Aminado naman si Julia na si Coco ang pinaka-closest na lalaking kaibigan niya ngayon sa labas at loob ng showbiz.

“Magkakilala na talaga kami. Ilang taon pa lang kami and wala pa siya sa ABS and hindi pa siya Coco Martin. Siya din ‘yung pinaka close kay Lola,” sabi ng dalaga.

May ibang guys na nanliligaw din kay Julia pero tila nai-intimidate yata kay Coco na balitang nag-uumpisa na ngang magparamdam sa aktres.

“Wala sa (suitors) ang focus ko kaya parang mas okay na din yata na ganu’n ang tingin nila. Focused ako sa work, sa family. Para din hindi maligaw ‘yung priorities ko,” paliwanag ng dalaga.

Samantala, walong linggo o dalawang buwan ang itatakbo ng istorya ng Wansapanataym Presents: Yasmishita’s Treasures dahil malawak daw ang kuwento nito bukod pa sa malalaki ang artistang kasama rito tulad nina Mr. Eddie Garcia, Nonie Buencamino, Ryan Bang, Bing Loyzaga at Angel Aquino sa direksiyon ni Avel Sunpongco handog ng Dreamscape Entertainment headed by Deo T. Endrinal.

Bukod dito ay kinakailangang mag-aral ng taekwondo nina Coco at Julia dahil sobrang maaksiyon ang Yamishita’s Treasures na ang peg ay mala-Tomb Raider at Indiana Jones kaya sa Abril pa ito umpisang mapanood.