Bungad ko noon pa, na sinegundahan sa kasalukuyan ng ilang mapagkakatiwalaang tinig ng mga retiradong Justice ng Korte Suprema at Chairperson ng Committee on Constitutional Amendments, na si Senador Miriam Defensor-Santiago, na ang BBL ay unconstitutional.
Payag tayo magbigay ng P75B at partehang 70%-30% pabor sa MILF? Halos walang pinagkaiba ito sa sinibak na MOA-AD ni GMA. Tulad ng karamihan na galit at ibig makamtan ang buong katotohanan bilang sandigan ng hustisya, dalawang panukala ang munting ambag sa ating mga senador: 1) Ipa-Subpoena ang talaan o record ng text at tawag ni suspendidong PNP Chief Alan Purisima sa Smart, Globe at Sun ng Disyembre at Enero, upang matukoy, kung magkatext sila ni PNoy ilang linggo bago at mismong araw ng Enero 25 nang minasaker ang 44 PNP-SAF? 2) Ipa-Subpoena rin ang gastusin ng PNP-SAF sa ilalim ng kanilang Chief na si Getulio Napeñas para matunton kung saang budget hinugot ang operasyon ng, mantakin mo, one battalion ng PNP-SAF. Duda ko, sa ganitong kalaking pagkilos, pondo ng Palasyo ang ginamit?
Mahalagang banggitin na pati ang pagkadiskaril ng BBL ay dapat parangalan ang 44 PNP-SAF. Sila ang pumukaw sa katinuan ng ating mambabatas sa walang humpay na huntahan at pagsipsip (ng iba) sa Malakanyang. Tuloy nabisto ang tunay na pagbabalat-kayo ng MILF patungkol sa kanilang “sincerity” at kung tumpak ba na igawad sa kanila ang ating tiwala. Siyempre pa, ang mga tagapagsalita ng Office of the Presidential Adviser sa Peace Process, ang samahang BFF (Best Friends Forever) ng MILF – Deles, Koronel-Ferer, at Bacani, panay depensa sa kanilang parokyano. Hal. “Pagbandera ng peace talks at ceasefire dahil 3 taon ng walang putukan sa pagitan ng MILF at AFP”. Ang totoo, tahimik na nagpapalakas ng pwersa ang MILF – parami ng sundalo, taga-panalig, pagbili ng malalakas na armas, pagtatayo ng 2 pabrika ng baril. Habang sa panig natin naghahanda tayo sa kaisa-isang diskarte na “kapayapaan”. Eto sila, praktikal na nakikipagnegosasyon sa atin, subalit, mulat ang mata sa susunod na labanan. Kailangan maituro sa ating mga kababayan na magka-iba ang “peace talks”, “peace process” at higit, ang BBL sakaling mabasura ang huli. Maaring ituloy “peace talks” (kwentuhan), “peace process” (programa ng Pamahalaan magbigay ng paaralan, kalsada, tulay, pondo atbp) sa Katimugang Mindanao.