Halos pitong taon matapos ang paglubog ng MV Princess of the Stars, tuluyan nang pinagbawalan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Sulpicio Lines, ngayon ay Philippine Span Asia Carrier Corporation, na magbiyahe ng mga pasahero.
Sa 50-pahinang desisyon ng MARINA sa kasong administratibo laban sa Span Asia Carrier, binawi na ng ahensya ang Certificate of Public Convenience na iginawad nito sa Span Asia Carrier noong Mayo 16, 2005 na may bisa sanang 25 taon para sa pagbiyahe ng mga pasahero.
Dahil dito, ang Certificate of Public Convenience ng mga barko ng Span Asia Carrier ay limitado na lamang sa cargo operation.
Pinagbabayad din ng MARINA ang Span Asia Carrier dahil sa pagbiyahe ng endosulfan, isang uri ng corrosive substance, marine pollutant at delikadong kargamento, nang walang special permit noong araw na maganap ang aksidente.
Iniutos din ng MARINA ang pag-aaral sa Memorandum Circular No. 120, Series of 1997 na pinagbatayan ng ipinataw na multa sa Span Asia Carrier dahil ang nasabing parusa ay hindi umano sasapat sa pinsala nitong idinulot.
Dahil naman sa kawalan ng ebidensya, ibinasura ng MARINA ang reklamo laban sa mga opisyal at tripulante ng MV Princess of the Stars.
Hindi binigyan ng MARINA ng bigat ang depensa ng Span Asia na ang maling “forecast” ng PAG-ASA ang nakadagdag sa listahan ng mga sanhi ng paglubog ng kanilang barko noong Hunyo 21, 2008.
Ayon sa MARINA, nang magpalabas ang PAG-ASA ng update hinggil sa galaw at labas ng Bagyong Frank noong Hunyo 20, 2008, 1:00 ng gabi, nasa Batangas pa lamang ang MV Princess of the Stars at may pagkakataon pa sanang mag-take shelter pero hindi nito ginawa at sa halip ay ipinagpatuloy ang paglalayag.
Ang administrative case laban sa Span Asia Carrier ay nilitis ng MARINA prosecutors at ang pagdinig ay hinawakan ng Panel of Hearing Officers.
Matatandaang mula sa 851 pasahero at tripulante na sakay ng MV Princess of the Stars, 32 lamang ang nakaligtas, ang iba ay nalunod o nawawala hanggang ngayon.