Sinimulan na ng gobyerno ang pamamahagi ng benepisyo para sa 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa Mamasapano, Maguindanao, ayon sa Employees Compensation Commission (ECC).

Ayon sa ECC, maaari nang makubra ng mga benepisyaryo ng mga napatay na commando ang P20,000 financial assistance sa alinmang sangay ng Government Service Insurance System (GSIS).

Base sa ulat ni ECC Executive Director Stella Banawis, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ipinaalam na nila sa pamilya ng mga napatay na pulis ang tungkol sa death benefit.

Ang P20,000 funeral benefit ay bahagi ng standard Employees Compensation Program (ECP) na ibinibigay sa mga empleyado na ang pagpanaw ay may kinalaman sa kanilang trabaho o bunsod ng karamdaman.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa pagkuha ng benepisyo, gagabayan ng mga kawani ng ECC ang naulila ng mga commando sa pagkumpleto ng form para sa mabilis na pagpoproseso ng kanilang monthly death benefit pension.

Tiniyak ni Baldoz na agad na maibibigay ang death benefit sa mga naulilang pamilya kapag naisumite na ng mga ito ang minimum documentary requirement.

Nitong nakaraang linggo, nagpasa ng resolusyon ang ECC upang mapabilis ang pagpoproseso ng employees compensation package ng 44 na miyembro ng SAF.

“Pinasasalamatan ko ang ECC at GSIS sa kanilang pagtutulungan upang mapabilis ang pagpapalabas ng benepisyo para sa pamilya ng SAF 44. Tunay nga na ang katapangan ng mga pulis na ito ay hindi mapapantayan ng kahit anong halaga subalit umaasa pa rin ako na makatutulong ito sa kanilang pamilya kahit papaano,” pahayag ni Baldoz.