Antipolo City – Itinala ni Ronald Oranza ang kanyang unang back-to-back stage victory matapos na patagin ang matinding akyatin sa Antipolo upang tanghaling kampeon sa pagtatapos ng Luzon qualifying leg sa hatid ng LBC na Ronda Pilipinas 2015 na nagsimula at nagtapos sa Rizal Provincial Capitol.

OranzaNagkanlong muna sa main group ang 22-anyos na miyembro ng Team Philippines na si Oranza bago kumawala sa huling 2 kilometrong akyatin sa Teresa, Rizal upang dominanteng walisin ang dalawang nakatayang yugto para sa mga nagnanais na makatuntong sa Championship Round na gaganapin sa Pebrero 22 hanggang 27.

“Hinugot ko na lang ho sa huling akyatin sa Teresa,” sabi ni Oranza, na inirepresenta ang bansa sa ginanap na 2015 Rio Olympics qualifying event na Asian Cycling Championships kung saan ito nagtapos sa ika-18 puwesto sa itinalang kabuuang oras na 2 oras, 34 minuto at 41 segundo.

Hinayaan muna ni Oranza, dating miyembro ng LBC Sports Foundation at kawani ng Philippine Navy, ang pares nina Rudy Roque at kakampi sa national team na si Rustom Lim na bitbitin ang karera sa dinaanang 100 kilometro bago isinagawa ang pag-atake upang iuwi ang kanyang ikatlong stage victory sa pinakamayamang karera sa bansa.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Gayunman, kinailangan pa ni Oranza na magwagi sa balyahan tungo sa finish line kontra sa kakamping si George Oconer na pumangalawa naman sa isinumiteng 2:34:45 at team captain nito na si 2011 Ronda Pilipinas champion Santi Barnachea na tumuntong sa ikatlong puwesto sa kanyang oras na 2:34.47.

Bunga ng magkasunod na panalo, iuuwi ni Oranza ang pinakamalaking natipong premyo na P100,000 sa kanyang dalawang stage victory (P50,000) at nakatayang premyo para sa pagiging overall champion (P50,000). Hindi pa rito kasama ang maiuuwing premyo bilang lider sa King of the Mountain at Intermediate Sprint.

“Magagamit ko po ang premyo para makabili ng bike at gastusin sa Championship Round,” ani Oranza sa karera na may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi pati na ng Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio naman ang media partners.

Kabilang naman sa Stage 2 Top 10 sina John Mark Camingao (2:34:48), Jerry Aquino Jr. (2:34:49), Ronnel Hualda (2:34:50) at sina John Renee Mier, Cris Joven, Ronald Lomotos, at Rustom Lim (2:34:51).

Nakasama ni Oranza sa Individual General Classification (Red LBC jersey) na may pinagsamang kabuuang oras na 6:06:42 sa Top Overall Individual sina John Paul Morales (6:07.22) at Santi Barnachea (6:07.58).

Iniuwi ni John Marck Camingao ang Overall Best Young Rider (White Standard Insurance jesey) sa kanyang oras na 6:08.08 habang ikalawa naman si Rustom Lim (6:15.42) at ikatlo si Ronnilon Quita (6:19.03).

Ang Overall King of the Mountain (White Mitsubishi Polka Dot jersey) ay napunta rin kay Oranza na may 17 puntos kasunod si Oconer na may 12 at si Elmer Navarro na may 12 puntos.

Ang Overall Intermediate Spring champion (Blue Petron jersey) ay iniuwi rin ni Oranza sa kanyang pagtipon ng 30 puntos, pangalawa si Oconer (27) at ikatlo naman si Barnachea (25).

Umabot sa kabuuang 66 ang lumahok sa qualifying leg para sa Luzon na kinabibilangan ng 66 elite at Under 23 riders at 11 sa juniors at ang dalawang babaeng siklista na nagsasanay para sa kanilang paglahok sa 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Subalit 59 lamang na riders ang nakatugon sa ikalawang yugto matapos na pitong siklista ang hindi nakatapos sa Stage One na ang Spaniard na si Edgar Nieto at local riders na sina Leonel Biocarle, Ronnilon Quita, Jasmin Candido, Oscar Rindole, Ian Berdejo at Mark Joseph Dailer.

Susumahin naman ng mga nag-oorganisa ang kabuuang isinumiteng oras ng bawat lumahok na siklista mulas a Vis-Min leg at panghuling Luzon leg upang madetermina ang kabuuang 88 siklista na magkukuwalipika sa Championship Round.