Upang matiyak na walang sablay ang operasyon ng Express Bus Service na isinusulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kinonsulta muna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang iba’t ibang kumpanya ng bus na bumibiyahe sa Metro Manila.

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez na ang board ang pipili ng rutang tatahakin ng Express Bus Service na tinatayang aabot sa 20 base sa road transit rationalization study ng Metro Manila at ng mga karatig lugar nito na isinagawa ng World Bank nitong nakaraang taon.

“Ito ang mga ruta na madalas bumiyahe ang mga tao,” paliwanag ni Ginez. “Iisa lang ang rutang-Fairview para sa dry run at kung ano ang kalalabasan nito ay siya na ring pagbabasehan natin kung ano ang maganda para sa ibang ruta.”

Dahil dito, hinikayat ni Ginez ang mga bus operator na magsumite ng kanilang komento sa planong pagpapatupad ng Bus Express Service.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Aniya, magkakaroon ng common fare collection sa mga concerned bus operator, at tututukan din ng ahensiya ang pagpapabuti ng kanilang serbisyo.

Bibigyan ng dedicated bus lane at bus stop ang mga express bus upang hindi ito makadagdag sa problema sa trapiko.

Lalagyan din ang bawat express bus ng CCTV camera at WiFi access at ang mga driver nito ay unipormado.

Sa pangkalahatan, tiniyak ni Ginez na tutugon ang express bus service sa pagbibigay ng mas mabilis, ligtas at maaasahang transportasyon ng publiko sa pagsisimula ng operasyon nito sa Metro Manila.