Itinuturing ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang Metro Manila bilang pinakaligtas pa rin na lugar sa buong bansa dahil sa pagbaba ng antas ng krimen dito base sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ito ang ipinagmalaki ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa pagdalo niya sa pagdiriwang ng ika-24 na anibersaryo ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kamakalawa.

Pinuri ni Roxas ang NCRPO sa tagumpay ng “Oplan Lambat Sibat” na layuning maglabas ang pulisya ng tamang estadistika at tala ng krimen.

Sinabi ng kalihim na mula sa mahigit 1,000 krimen na naitala nong Enero 2014 sa mga lugar na nasasakupan ng NCRPO, bumaba ito sa 400 hanggang 500 insidente nitong Enero 2015.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Noong nakaraang mga linggo, naaresto ng awtoridad ang 40 indibidwal na kabilang sa 440 most wanted person sa Kamaynilaan.

Umaasa si Roxas na magtutuluy-tuloy pa sa pagbaba ang crime rate sa Metro Manila lalo at nakataas pa rin sa heightened alert status ang NCRPO na layuning mahadlangan ang posibilidad na maghasik ng terorismo ang mga galamay ng nasawing Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan.”

Samantala, sa halip na magsagawa ng tradisyunal na parade-in-review ang mga pulis sa dulo ng programa, hiniling ni Roxas na manatili na lang ang pulutong at awitin ang “Lupang Hinirang” bilang handog sa 44 na tauhan ng Special Action Force na nasawi sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Iginiit ng kalihim na simbolo rin ang kanta ng muling pangangako ng pulisya sa kanilang sinumpaang tungkulin.